MGA KABATAAN HINIKAYAT NI SPEAKER DY NA LUMAHOK SA SERBISYO PUBLIKO

NAKIPAGKITA nitong Huwebes si Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa 120 senior high school students mula sa Quezon City na kalahok sa 2026 NxtGen Congress ng House of Representatives.

Bahagi ito ng pagsisikap ng Bagong Kongreso na ilapit ang institusyon sa mamamayan at bigyan ng mas malaking boses ang mga kabataan sa paghubog ng kinabukasan ng bansa.

Kasama si House Secretary General Cheloy E. Velicaria-Garafil, binisita ni Speaker Dy ang mga estudyante sa Makalintal Hall sa tatlong araw na “NxtGen Congress: Youth Voices, Nation’s Choices” Capacity Building Seminar-Workshop na isinagawa mula Agosto 25 hanggang 27.

Masiglang sinalubong ng mga estudyante ang Speaker, na nakipag-selfie, nagpakuha ng litrato at nakipagkuwentuhan sa mga kabataan.

Pinasalamatan ni Speaker Dy ang mga estudyante sa kanilang paglahok at sinabi niyang ikinagagalak niyang makita ang kanilang interes na malaman kung paano gumagana ang Kongreso.

“Natutuwa rin kami because interesado kayo makita kung papaano ang Kongreso. Makakaasa kayo ang Kongreso ngayon… talagang kami po ay pinagsisikapan na maging mas mabuti ang aming paglilingkod sa ating mga kabataan,” ani Speaker Dy.

Ibinahagi rin ng Speaker ang kanyang paglalakbay sa serbisyo publiko na nagsimula noong 18 taong gulang pa lamang siya, ilang taon lamang na mas matanda kaysa sa marami sa mga kalahok sa NxtGen Congress.

Nagsimula si Speaker Dy sa serbisyo publiko bilang miyembro ng Kabataang Barangay noong 1980.

Makalipas ang anim na taon, naging barangay captain siya at nagsilbi bilang provincial board member, vice mayor, mayor sa loob ng siyam na taon, congressman sa loob ng siyam na taon, governor sa loob ng siyam na taon at vice governor sa loob ng anim na taon bago naging Speaker ng House of Representatives.

Sa mahigit apat na dekada niyang karanasan sa halos lahat ng antas ng lokal at pambansang pamahalaan, ipinakita ni Speaker Dy sa mga estudyante kung paano maaaring maging simula ng panghabambuhay na paglilingkod-bayan ang maagang pakikilahok sa mga usaping pampubliko.

Kinakatawan ng 120 kalahok ang 12 paaralan sa ilalim ng Schools Division Office of Quezon City: Lucrecia Kasilag Senior High School, Quezon City Science High School, Bagong Silangan High School, Commonwealth High School, Juan Sumulong High School, Quirino High School, Eugenio Lopez Jr. Center for Media and Arts, Manuel A. Roxas High School, Lagro High School, San Bartolome High School, Emilio Jacinto National High School at Ismael Mathay Sr. High School.

Sa pamamagitan ng mga module at workshop, tinuruan ang mga estudyante tungkol sa tungkulin at mga gawain ng House of Representatives at proseso kung paano nagiging batas ang isang panukalang batas.

Binigyan din sila ng praktikal na kaalaman sa legislative process sa pamamagitan ng mga talakayan hinggil sa committee deliberations, policy analysis, parliamentary procedure, legislative ethics and decorum at public speaking sa parliamentary proceedings.

Sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Dy, patuloy na binubuksan ng Kamara ang mga pintuan nito at inilalapit ang Kongreso sa mga nasasakupan sa pamamagitan ng iba’t ibang programa.

Kabilang dito ang Suporta sa Bayan Desk, NxtGen Congress at LegisHear, ang nationwide public consultation program ng Kamara na direktang nagdadala sa mga mambabatas sa mga komunidad upang pakinggan ang mga sektor na apektado ng mga batas na kanilang ginagawa.

(TINA MENDOZA)

88

Related posts

Leave a Comment