MGA KALULUWANG NAGKAKAMAL NG KWARTA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

GHOST month na, mga ka-clicktsikan.

Simula na ito nitong Agosto 23 at magtatapos sa Setyembre 21.

Teka muna, naniniwala ka ba sa tradisyong ito at sa mga pamahiing dala ng multo?

Sa panahon daw ng Ghost Month, ayon sa paniniwala mula pa noong mauling ang kaserola, ang mga tarangkahan ng mundong ilalim ay nagbubukas at ang mga hindi mapakaling espiritu ay gumagala kasama ang mga nilalang na nabubuhay.

Hala!

Ayon sa mga eksperto ng punsoy, may mga dapat daw iwasan ngayong Ghost Month, gaya ng pagpapagabi sa labas, pagbubukas ng negosyo, pagpapakasal, paglalakbay, paglilipat ng bahay, at ang malakas na pag-iingay.

Pati kulay ng damit ay mahalaga. Nakakaakit daw ng espiritu ang pula at ang itim ay nag-aanyaya ng kalungkutan.

Teka, sa Setyembre 6 ang Ghost Festival – ang taluktok ng espiritwal na aktibidad. Kailangang maghanda ng iaalay ang mga pamilya para sa mga gumagalang kaluluwa bilang pampalubag nang hindi maminsala.

Pampakalma ang pagkain sa mga galang kaluluwa?

Gutom ang mga espiritu.

Kaya nga raw kailangan din ng mga proteksyon tulad ng pagsisindi ng insenso para maitaboy ang masasamang espiritu.

Gutom ang mga galang kaluluwa pero ang mga espiritu na buhay, may balat at buto ay busog sa mga ghost project at iba pang proyekto at programa na natatalukbungan ng katiwalian – at hindi ng puting tela kundi ng mga barong at Amerikana.

Kahit santambak pang insenso ang sindihan ay hindi maitataboy ang mga kurakot sa pamahalaan.

Kahit ata sabuyan pa ng asin ay hindi matitinag ang ibang nakadidiring opisyal at ibang halal ng taumbayan.

Kaya, araw-araw ay ghost day. Lahat ng buwan ay multo.

Naglalaho ang pondo eh. Para ngang multo. Ghost project na, me ghost student pa. Marami pa ring ghost employee na kumukubra kada payday. Sila ang mga kaluluwang nagkakamal ng sandamakmak na kwarta.

o0o

Hindi raw aalis sa pwesto si Department of Public Works and Highways Sec. Manuel Bonoan sa kabila ng mga panawagan na magbitiw siya sa pwesto dahil sa umalingasaw na anomalya sa flood control projects.

Inatasan kasi siya ni President Ferdinand Marcos Jr. na ituloy ang imbestigasyon sa umano’y nabigo at hindi umiiral na flood control projects.

Nakasalalay ang panunungkulan niya sa kagustuhan ng Pangulo kaya gagawin niya ang kanyang trabaho hangga’t gusto siyang panatilihin sa puwesto.

Ipinakikita ng opisyal na mas matimbang ang tiwala ng Pangulo kaysa pananalig ng publiko.

Sa kainitan ng mga isyu ng flood control project ay mabuti sigurong huwag magbitiw o tanggalin sa puwesto si Bonoan.

Dito malalaman kung sinsero siyang linisin ang hanay ng ahensya.

Ngunit, ano ang silbi ng command responsibility sa posisyong ito ng hepe ng DPWH?

Dapat managot ang nakatataas sa mga kapalpakan, at maling gawa ng kanyang mga nasasakupan – alam man niya o hindi ang mga pangyayari lalo na’t nabigo siyang aksyunan ang mga ito.

Hindi barya ang P545 bilyon na inilaan sa flood control na 15 kontratista lang ang nakinabang.

Kahit maliit na halaga ay kailangang detalyado ang paggasta nang walang sumingaw na isyu.

Kaya, dapat paigtingin ang pagbusisi sa mga proyektong pinondohan ng pera ng bayan at panagutin ang mga opisyal at kontratista.

112

Related posts

Leave a Comment