MGA KONGRESISTA HINAMONG PABULAANAN ‘777 PARTEHAN’ SA KAMARA

HINAMON ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang kanyang mga kasamahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na pabulaanan ang ‘777’ na unang isiniwalat ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Kahapon ay kinumpirma ni Tiangco ang alegasyon na tumanggap ng mahigit dalawampung milyong pisong halaga ng ayuda ang mga sumasama kay House Speaker Martin Romualdez sa pag-iikot sa iba’t ibang bahagi bansa noong nakaraang taon.

“Totoo yun, kapag sumama ka sa BPSF (Bagong Pilipinas Serbisyo Fair) meron kang seven million (pesos) AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situations), seven million MAIP (Medical Assistance for Indigent Patients) at seven million TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers) ata,” ani Tiangco.

Naghamon ang mambabatas sa mga miyembro ng 19th Congress na pabulaanan ang kanyang rebelasyon sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga mensaheng natanggap ng mga ito ukol sa nasabing pondo.

“O sinong Congressman ang makikipagtalo sa akin na hindi totoo yan! Pakitaan kami ng cellphone. May message yan,” ani Tiangco dahil noong unang isiniwalat ito ni Magalong ay itinanggi ng Kamara.

Magugunita na umikot sa iba’t ibang panig ng bansa ang mga kongresista noong nakaraang Kongreso para mamahagi ng ayuda si Romualdez.

Kasama sa inikutan ang Davao City noong Setyembre 2024 kung saan mahigit isang daang congressmen ang sumama para saksihan ang pagbibigay ng iba’t ibang ayuda sa libong beneficiaries.

Una itong isiniwalat ni Magalong at sa ambush interview kay Tiangco ay kinumpirma niya ito dahil aniya “kasama ako (sa mga sumama) eh”.

“O post enactment na naman yan di ba? Yun ang tinatawag na pork barrel. Kasi nare-release sa kung sino mo gusto hindi base dun sa badyet,” ayon pa sa mambabatas na kabilang sa mga nagdeklara ng independence sa Kamara.

Ipinanukala rin ng mambabatas kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na bukod sa flood control projects ay busisiin din ang iba pang government infrastructure projects na hindi rin ligtas sa katiwalian.

(BERNARD TAGUINOD)

225

Related posts

Leave a Comment