Mga kontrobersyal at tampok na balita sa 2021 COVID-19, PDEA-PNP SHOOTOUT, WPS (Unang bahagi)

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

HINDI hamak na mas mainam ang taong 2021 para sa mga Pilipino sa gitna ng kabi-kabilang pagsubok bunsod ng pandemya, usaping soberanya, katiwalian, krimen, terorismo, karahasan lugmok na ekonomiya at maruming pulitika.

Bagamat nananatiling banta pa rin ang pandemya, naibsan ang pangamba sa pagdating ng bakuna, habang patuloy naman ang pambabarako ng mga Tsino sa karagatang pasok at pinagtibay na sakop ng ating teritoryo.

Sa katiwalian, walang nagbago – nanatili ang walang habas na nakawan sa gobyerno, ayon mismo sa ulat ng Commission on Audit (COA), na nagsiwalat ng bulilyasong kinasangkutan ng mga tiwaling taong gobyerno at mga kakuntsabang Tsino, sa kabila ng babala kontra korapsyon ng Pangulo.

Ang terorismong dala ng mga dayuhang grupo at mga paling sa komunismo, patuloy naman ang paghahasik ng karahasan at kaguluhang sukdulang ikamatay ng mga pangkaraniwang Pilipino sa mga kanayunan.

Hindi rin mawaglit ang mga krimeng kinasangkutan ng mga unipormadong sumumpang pagsilbihan at pangalagaan ang mga tao.

Ang ekonomiya patuloy ang pagbulusok. Katunayan nito ang P12-trilyong inutang ng gobyerno sa katwirang kapos ang pondong pantugon sa pangangailangan ng mga Pilipino.

Tampok din ang maingay na pulitika bilang paghahanda sa nalalapit na halalan sa Mayo.

ENERO

Sa pagbubukas ng taon, muling lumobo ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 bunsod ng pagluwag ng gobyerno sa huling bahagi ng taong 2020 – dahilan para muling maglabas ng anunsyo ang Palasyo. Anila, masyadong naging kampante ang mga taong dumagsa at nakibahagi sa nakagawiang tradisyong kalakip ng Kapaskuhan.

Sa buwan din ng Enero pumutok ang kontrobersyang kinasasangkutan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na kapwa pinaratangan ng red-tagging o ang pagsasapubliko ng bintang bilang komunista sa mga personalidad na tumutuligsa sa pamahalaan – kabilang ang mga artista, kongresista at maging ang mga estudyante at manggagawa.

Pinawalang-bisa rin ng Department of National Defense (DND) sa kasunduan ng gobyerno at Unibersidad ng Pilipinas (UP) kaugnay ng paratang na ang pamantasan ay mistulang hulmahan ng mga kabataan patungo sa kilusang komunismo.

PEBRERO

Sa pagpasok ng buwan ng mga puso, ginulantang ng Korte Suprema ang sambayanan sa inilabas na pagbabasura ng electoral protest na inihain ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos laban kay Leni Robredo kaugnay ng halalan sa pwesto ng bise-presidente.

Hinatulan din ng Sandiganbayan ang tinaguriang reyna sa likod ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles, dating Cagayan de Oro Rep. Constantino Jaraula, at tatlong iba pa sa kasong graft at malversation of public funds, kaugnay naman ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.

Ginawaran naman ng amnestiya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF), Moro Islamic Liberation Front (MILF), at Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas (PMP), Revolutionary Proletarian Army (PRA) at Alex Boncayao Brigade (ABB) kaugnay ng mga krimeng bunsod ng kanilang ideolohiya sa kundisyong isusuko nila ang kanilang mga sarili at ang kanilang mga armas sa pamahalaan.

Buwan din ng Pebrero nang ipawalang-sala ng Muntinlupa Regional Trial Court ang isa sa tatlong kasong may kaugnayan sa iligal na drogang isinampa ng Department of Justice (DOJ) laban sa nakadetineng Senador Leila De Lima.

Agaw eksena rin ang sagupaang ikinasawi ng anim katao sa pagitan ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa parking area ng isang mall sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City. Kapwa giit ng PDEA at PNP, lehitimong operasyon kontra droga ang kanilang pakay sa nasabing lugar.

Bago pa matapos ang buwan, dumating sa bansa ang kauna-unang bakuna kontra COVID-19. Sa tala ng pamahalaan, 600,000 doses ng donasyong Sinovac Biotech vaccine CoronaVac na gawa ng bansang Tsina ang lumapag matapos ang anim na buwan ng paghihintay.

MARSO

Unang araw pa lang ng buwan, agad na sinimulan ng Department of Health (DOH) at National Task Force Against COVID-19 ang pagbabakuna laban sa banta ng nakamamatay na COVID-19.

Kinilala naman si Dr. Gerardo Legaspi na tumatayong direktor ng Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila bilang kauna-unahang Pilipinong tinurukan kontra COVID-19.

Kaugnay nito, ilang taong gobyerno rin ang naiulat na nauna pang nagpaturok kaysa sa mga sektor na prayoridad sa bakunahan kontra COVID-19. Wala maski isa sa mga opisyal ng pamahalaan ang kinasuhan o nasuspinde man lang.

Ibinasura rin sa isang plebesito ng mga residente ng Palawan ang tangkang paghahati-hati ng lalawigan sa tatlong bahagi.

Buwan din ng Marso nang maghain ng pinakaunang diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay naman ng pagdagsa ng hindi bababa sa 220 barko mula sa bansang

China sa loob ng exclusive economic zone ng bansa sa West Philippine Sea (WPS) – sa kabila pa ng hatol ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na nagbasura ang pag-angkin ng bansang Tsina sa buong South China Sea.

Sa unang anibersaryo ng pagpasok sa bansa ng COVID-19, muling sumipa ang kumpirmadong kaso ng mga positibo sa Metro Manila at mga karatig lalawigan, dahilan para muling isailalim ang mga nasabing lugar sa ilalim ng pinakamahigpit na quarantine status.

ABRIL

Makaraan ang dalawang linggo, ibinaba ng isang antas ang pinaiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at mga karatig lalawigan ng Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal, kalakip ang mga bagong panuntunan at direktiba sa mga ahensya ng pamahalaan hinggil sa pagpapatupad ng minimum public health safety protocols – kabilang ang pwersahang pagsusuot ng face masks at face shields at parusa sa mga lalabag.

Buwan din ng Abril nang pumutok ang community pantries kung saan namahagi ng libreng pagkain para sa mga nangangailangan sa iba’t ibang panig ng bansa ang ilang grupong kalaunan ay pinaratangang komunista.

Naging mahugong naman ang panawagang saklolo ng mga Pilipino sa bansang India kung saan nagsimulang dumagsa ang bilang ng mga positibo at maging ng mga nasawi bunsod ng kakaibang bagsik ng mutated virus strain na kalaunan ay tinawag na Delta variant.

Dahil sa kaganapan sa bansang India, pinili ng pamahalaang magpalabas ng travel ban sa mga bansang nakapagtala ng kaso ng higit na mapanganib ng Delta variant

Buwan din ng Abril nang nakapagtala ang bansa ng pinakamababang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa isang araw – 76.

MAYO

Tuluyan nang bumaba sa pwesto bilang Philippine National Police (PNP) chief ang kontrobersyal na si Heneral Debold Sinas na higit na kilala sa mañanita party na ginanap sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig sa panahong mahigpit na ipinagbabawal ng pamahalaan ang pagdaraos ng anumang uri ng pagtitipon.

Sa pagreretiro ni Sinas, ipinalit sa pwesto si Heneral Guillermo Eleazar na apat na ulit na nilaktawan bago itinalaga bilang PNP chief.

Dalawang buwan matapos mag-alok ng amnestiya ang Pangulo sa mga kalaban ng estado, muling naghasik ng terorismo ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) makaraang kubkubin ng mga armadong miyembro nito ang isang pamilihang bayan sa bayan ng Datu Paglas sa lalawigan ng Mindanao.

Buwan din ng Mayo nang opisyal na idineklarang terorista si Communist Party of the Philippines founder Jose Maria “Joma” Sison, 18 iba pang kaanib sa komunistang kilusan. Pasok din sa mga itinanghal na kalaban ng estado si Abu Sayyaf leader Esmael Abdul-Malik at siyam pang kasamahan ng teroristang grupo sa likod ng mga pambobomba, pangingikil, pagdukot at pagpatay sa katimugang bahagi ng bansa.

Inilagay rin sa ilalim ng state of calamity ni Pangulong Duterte ang buong bansa bunsod ng African swine fever (ASF) outbreak.

Bago matapos ang buwan ng Mayo, nilagdaan din ng Pangulo ang Republic Act 11550 na naghahati sa Maguindanao sa dalawang lalawigan – ang Maguindanao del Norte and Maguindanao del Sur.

HUNYO

Buwan ng Hunyo nang gulantangin ng balita ang bansa sa pagpanaw ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa edad na 61. Ayon sa kanyang pamilya, piniling manatiling tikom ng dating Pangulo sa kanyang karamdaman hanggang sa kanyang mapayapang pagyao.

Bago pa man namatay, naging madalas ang pagpukol ng patutsada ni Pangulong Duterte kaugnay ng suliranin sa teritoryong mistulang sinakop ng ng mga Tsino sa yumaong punong ehekutibong pinalitan niya sa pwesto.

Buwan din ng Hunyo nang umugong ang balita sa paglisan ng kilalang Tsinong drug lord na umano’y malapit sa Pangulo. Nahaharap sa patung-patong na kasong kriminal si Peter Lim na diumano’y bayaw ng isang nakaupong senador na kaalyado ng administrasyon.

Tuluyan na rin kinapos ang suplay ng karneng baboy sa merkado, hanggang sa humantong sa hindi makatarungang presyo. Bilang tugon ng pamahalaan, niluwagan ang pag-aangkat ng karne, na siya naman ikinadismaya ng local hog raisers. (Itutuloy)

230

Related posts

Leave a Comment