HABANG naghahanda ang bansa sa posibleng matinding epekto ng Super El Niño, mas tumitindi ang suliranin sa suplay ng malinis na tubig ng maraming pamilyang naapektuhan ng armadong tunggalian sa Mindanao, partikular ang mga napilitang lumikas at mawalan ng tirahan.
Isa sa mga komunidad na tinulungan ng International Committee of the Red Cross (ICRC) ang Barangay Napnapon sa Palimbang, Sultan Kudarat, kung saan inayos ang sistema ng suplay ng tubig upang matugunan ang pangangailangan ng mga residente bago pa maranasan ang epekto ng El Niño.
Hindi bababa sa 125 pamilya ang nakikinabang ngayon sa proyekto na ipinatupad sa tulong ng mga residente.
Nabatid na dalawang beses nang napilitang lumikas ang karamihan sa mga residente, na mga magsasaka, dahil sa sagupaan ng mga armadong grupo. Una itong nangyari noong 2021 at muling naganap noong Marso 2025.
“Nakipagsilong kami sa aming mga kamag-anak, na hirap na rin sa pagtustos sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Hindi madali ang mawalan ng tirahan,” ayon sa ilang residente.
Bago maisaayos ang water system, napipilitan ang mga pamilya na kumuha ng tubig sa mga pansamantalang balon o maglakad paakyat sa mga kalapit na bundok upang umigib sa mga bukal.
Dahil hindi sapat ang suplay, kailangan pa nilang magbalik-balik nang hindi bababa sa tatlong beses kada araw habang nagbubuhat ng mga timba ng tubig.
Malaking ginhawa naman sa mga residente ang pagkakaroon ng mas malapit na pinagkukunan ng malinis at maiinom na tubig.
Sa pamamagitan ng programang cash-for-work, 129 residente ang kinuha upang magkabit ng mahigit tatlong kilometrong tubo, magtayo ng 17 pampublikong gripo at magpatayo ng anim na pampubliko at 19 na pampamilyang palikuran.
Sinanay din ang mga residente sa pagpapatakbo at pagpapanatili ng water system, habang nagsagawa naman ng oryentasyon ang Philippine Red Cross-Sultan Kudarat Chapter tungkol sa wastong kalinisan at sanitasyon.
Ayon kay ICRC Engineer Zulficar Pangato, maingat na sinuri ang mga posibleng pagkukunan ng tubig upang matiyak na hindi mapipilitang kumuha ang mga residente sa maruruming pinagkukunan o magtungo sa mga lugar na maaaring magdulot ng panganib sa kanilang seguridad.
Bukod sa pagkakaroon ng ligtas na suplay ng tubig, nakatutulong din ang proyekto upang maalagaan ng mga residente ang kanilang mga alagang hayop at maliliit na hardin.
Sinabi ni Pangato na makatutulong ang maayos na water system sa paghahanda ng komunidad sa El Niño, na inaasahang magpapatuyo sa ilang kasalukuyang pinagkukunan ng tubig, partikular ang mga bukal na mahina ang daloy.
Ang El Niño ay isang penomenong pangklima na nailalarawan sa hindi pangkaraniwang pag-init ng ibabaw ng karagatan sa gitna at silangang bahagi ng Pacific Ocean.
Inaasahang makararanas ng tagtuyot ang Pilipinas sa 2027 dahil sa epekto nito, na maaaring magpababa sa produksyon ng pagkain at malubhang makaapekto sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Batay sa datos ng United Nations, tinatayang 4.6 milyong magsasaka at mangingisda sa bansa ang maaaring maapektuhan.
(JESSE RUIZ)
337 