ITINANGGI ng pamunuan ng Social Weather Stations (SWS) na may anomang kaugnayan o opisyal na ugnayan sa kanilang organisasyon ang grupong “Sigaw ng Bayan” at ang nagpapakilalang may-ari nitong si Danny Mangahas.
Sa isang liham, mariing pinabulaanan ni SWS Director Leo S. Laroza ang pahayag ni Mangahas na may kaugnayan siya sa SWS at pamangkin siya ng founder nitong si Dr. Mahar Mangahas.
“Mr. Danny Mangahas is not related to Dr. Mahar Mangahas,” ayon kay Laroza.
Nilinaw rin ng SWS na hindi kailanman naging opisyal, empleyado, consultant, fellow o awtorisadong kinatawan ng organisasyon si Danny Mangahas.
Wala rin umano itong pahintulot na mag-alok o magsagawa ng survey gamit ang pangalan ng SWS.
Binigyang-diin pa ng organisasyon na hindi anak, affiliate, subsidiary o partner ng SWS ang “Sigaw ng Bayan.”
Samantala, may mga alegasyong nag-aalok umano si Mangahas ng mataas na resulta ng survey at mga parangal sa mga kongresista, alkalde at iba pang opisyal ng pamahalaan kapalit ng malaking bayad.
Ginagamit din umano ang pahayag na “anak ng SWS” ang Sigaw ng Bayan upang magmukhang lehitimo ang kanilang serbisyo, bagay na tahasang itinanggi ng SWS.
Wala pang pahayag si Mangahas kaugnay ng paglilinaw at pagtanggi ng SWS.
36 