Mga mangingisda ginagatasan CORRUPT MARITIME OFFICIALS BINIRA

KUMBINSIDO ang Partido Manggagawa (PM) na maling-mali na gawin regular na kuhaan ng buwanang “kita” ng ilang corrupt na mga opisyal ng Philippine National Police-Maritime Region 1 (PNP-Maritime Region 1) ang mga mangingisda.

Naniniwala rin ang PM, ayon sa tagapagsalita nitong si Wilson Fortaleza, na nararapat parusahan ang mga korap na opisyal ng PNP-Maritime Region 1, ngunit ilagay ito sa tamang proseso.

Ang pahayag ni Fortaleza ay pagpapakita ng suporta sa mga mangingisdang inabuso at patuloy umanong hinuhuthutan ng mga pulis.

Ang pahayag ng lider-manggagawa mula PM ay nakaangkla sa eksklusibong istorya ng SAKSI Ngayon investigative reporter na ito hinggil sa korapsyong nagaganap sa PNP-Maritime Region 1.

Ang isyung ito ay unang lumabas sa BADILLA Ngayon noong Biyernes at naging banner story nang sumunod na araw.

Batay sa BADILLA Ngayon sa SAKSI Ngayon exposé, nakatatanggap ng buwanang tara ang ilang pulis na nakadestino sa Maritime Region 1.

Bukod sa buwanang pera, binibigyan pa ng mga mangingisda ng mamahalin at magagandang isda ang mga taga PNP-Maritime Region 1 upang hindi hulihin at kasuhan ng huli ang mga mangingisda.

Subalit, sa kabila ng animo’y obligasyon ng mga mangingisda, ipinapahuli pa sila na lalong nakapiperwisyo sa kanilang maliit na negosyo, sapagkat lalong natatabasan ang kanilang kita.

Naniniwala ang mga mangingisda na nararapat na isama ni General Guillermo Lorenzo Eleazar ang top officials ng PNP-Maritime Region 1 sa paglilinis ng PNP.

Matatandaang nangako at idiniin ni Eleazar na lilinisin niya anng PNP kahit ilang buwan lamang siya sa pagiging hepe ng pambansang pulisya.

Naupo bilang hepe ng PNP si Eleazar noong Mayo 8 kapalit ng kanyang mistah sa Philippine Military Academy (PMA) na si retiradong General Debold Sinas.

Nakatakdang magretiro si Eleazar sa Nobyembre 13 ng kasalukuyang taon.

Ngunit maaaring mapaaga kung magretiro siya para maghain ng kanyang kandidatura sa pagkasenador, o kongresista, sa Oktubre, sa gayon higit siyang makapaglilingkod sa mamamayang Filipino dahil hindi na lamang sa teritoryo ng PNP siya maninilbihan.

Ang kagyat na maaaring ‘iparusa’ ni Eleazar laban sa pangunahing mga opisyal ng PNP-Maritime Region 1 ay kagyat silang tanggalin sa puwesto at ilipat sa Camp Rafael Crame sa Quezon City habang nagpapaimbestiga si Eleazar.

Ang mabigat na parusa ay pagtanggal sa PNP kung mapapatunayang mabigat ang kaso ng katiwalian at korapsyon ng mga pangunahing opisyal ng PNP-Maritime Region 1.

Kapag nangyari ‘yan. mababawasan ang mga korap sa PNP.

Hindi na magiging brigadier general ang mga colonel sa kanila at hindi aabutin ang pagiging colonel ng mga mababa pang ranggo sa kanila.

Idiniin ni Fortaleza na ‘maliliit na mga mangingisda’ ang kaya nila, sa halip na ‘malalaki’ na ang kahulugan ay mga malalaking kriminal, o pusakal, sa bansa. (NELSON S. BADILLA)

121

Related posts

Leave a Comment