TINAWAG ng isang civic leader na kasinungalingan ang kumakalat online na mga paratang laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, na aniya’y walang ebidensya at mapanira.
Ayon kay Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), pawang huwad ang mga alegasyong may kinalaman sa droga, sekswal na gawain, at diumano’y mga sensitibong larawan na iniuugnay sa Unang Ginang.
Sinabi ni Goitia na walang anomang dokumento, forensic findings, sinumpaang salaysay, o kasong inihain sa alinmang awtoridad kaugnay ng naturang mga paratang. Aniya, nag-ugat lamang ang isyu sa isang online na panayam na paulit-ulit na ikinalat sa social media.
“Kailangang malinaw ito. Ang tunay na kritisismo ay nakabatay sa katotohanan. Ang nangyari rito ay mga paratang na walang ebidensya na pinalaki sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagpapakalat,” pahayag ni Goitia.
Ipinaliwanag niya na ipinakalat ang mga alegasyon sa pamamagitan ng panayam ng vlogger na si Deen Chase, na umano’y walang masusing pagtatanong, beripikasyon, o pananagutan. Dahil dito, mabilis na kumalat ang mga hindi nasuring pahayag.
Binigyang-diin ni Goitia na ang pormat ng panayam ay hindi awtomatikong nagbibigay ng kredibilidad sa isang akusasyon, lalo na kung walang awtentikasyon at beripikasyon ng mga ibinibintang.
Aniya, kapansin-pansin ang pagtutok ng mga paratang sa diumano’y personal at sekswal na aspeto ng buhay ng Unang Ginang, na tinawag niyang isang gender-based attack.
“Ito ay isang malinaw na gender attack. Umaasa ito sa hiya at pahapyaw na paratang dahil alam nilang mas mahirap itong ituwid kahit mapatunayang mali,” ayon kay Goitia.
Dagdag pa niya, bagama’t bukas sa pagsusuri ang mga opisyal ng gobyerno, hindi saklaw ng malayang pananalita ang pag-iimbento ng krimen at imoral na gawain. Ang patuloy na pagpapakalat ng mga ganitong paratang online ay maaaring magbunga ng criminal at civil liability, kabilang ang libel at cyber libel, sa ilalim ng umiiral na batas.
Nilinaw rin ni Goitia na hindi nawawala ang pananagutan sa simpleng pag-share ng mapanirang nilalaman. Sa ilalim ng batas, aniya, mahalaga ang pinsalang naidudulot at ang intensyon sa likod ng pagpapakalat.
“Ang malayang pananalita ay may hangganan. Hindi ito lisensya para manira ng pangalan,” giit niya.
Binigyang-diin pa ni Goitia na ang paulit-ulit na mga paratang sa kabila ng kawalan ng patunay ay maaaring magpahiwatig ng malinaw na intensyon na manira.
“Ito ay hindi usapin ng pagpigil sa malayang pagpapahayag. Ito ay usapin ng katotohanan, pananagutan, at mga pamantayang nagpapanatili ng tiwala sa lipunan,” pagtatapos niya.
Si Dr. Goitia ay Chairman Emeritus din ng People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY).
34
