MGA PNP CHIEF CONTENDER NAHAHARAP SA HAMON

pulis

MARAMI ang nakatutok ngayon sa mga pinagpipilian na susunod na Philippine National Police (PNP) chief na posibleng mahaharap sa hamon kasunod ng utos ng Malakanyan na dakpin ang isang dating senior police officer na sangkot sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Jee Ick Joo.

Matatandaang ipinag-utos ni executive secretary at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) chairman Lucas Bersamin ang paglulunsad ng isang manhunt operation laban kay Rafael Dumlao III na suspek sa pagpatay sa nasabing South Korean businessman noong 2016.

Target ni Secretary Bersamin ang mabilis na pag-aresto sa dating pinuno ng PNP-Anti Kidnapping group na itinuturong sangkot sa pagpaslang kay Jee.

Nabatid na ibinaba ng kalihim ang kanyang direktiba nitong nakalipas na linggo na layuning suportahan ang misyon ng pambansang pulisya na muling ibalik ang tiwala ng publiko at bumuo ng kapasidad na may kasama ng mga international partner hinggil sa resolusyon ng ‘high profile cases’ na kinasasangkutan ng mga foreign national.

Inihayag din ni Bersamin na may shortlist na si Pangulong Marcos na pinagpipilian para humalili kay PNP chief Lieutenant General Rommel Francisco Marbil na nakatakdang magretiro sa darating na Hunyo 7 ng taong kasalukuyan.

“Ang mga ganitong bagay, the president keeps close to his heart ang mga pagpipilian,” pinunto nito sa panayam ng media.

Gayun pa man, kabilang umano sa mga kinokonsidera ng pangulo ay sina Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., PNP Directorial Staff commander Lt. Gen. Edgar Allan Okubo, Chief for Operations Lt. Gen. Robert Rodriguez, National Capital Region Police Office Director Brigadier Gen. Anthony Aberin at Criminal Investigation and Detection Group Director Major Gen. Nicolas Torre III.

Magugunitang si Dumlao bilang mastermind at sina SPO3 Ricky Sta. Isabel, SPO4 Roy Villegas, Jerry Omlang at Gerardo Santiago ay sinampahan ng kasong kidnapping, pagpatay at pag-cremate kay Jee sa loob mismo ng Kampo Cramer sa lungsod Quezon at gayundin sa kidnapping at serious illegal detention sa katulong ni Jee na si Marissa Morquicho.

Hinatulan naman ng RTC sina Sta. Isabel at Omlang sa kasong kidnapping with homicide, kidnapping at serious illegal detention at carnapping ngunit pinawalang-sala si Dumlao.

(JESSE KABEL RUIZ)

61

Related posts

Leave a Comment