PINURI ng mga lokal na opisyal sa lalawigan ng Quezon ang mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Rex Gatchalian kasunod ng pagbisita nito noong Martes, Marso 10.
Ayon sa mga opisyal, mahalaga ang patuloy na pakikipagtulungan ng DSWD sa local government units (LGUs) upang mas mapalakas ang pagpapatupad ng mga programang pang-social welfare at development.
Isinagawa ni Gatchalian ang inspeksyon sa iba’t ibang proyekto ng DSWD alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking maayos ang pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan at natutugunan ang pangangailangan ng mga benepisyaryo.
Sa bayan ng Infanta, pinangunahan ng kalihim ang ceremonial distribution ng mga mobile phone sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at sinaksihan ang local sea salt-making at iba pang proyektong pinondohan sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP).
Nakipagpulong din si Gatchalian sa 4Ps municipal links mula sa Infanta, Real, General Nakar at Polillo Islands.
Malugod namang tinanggap ang kalihim nina Quezon 1st District Rep. Mark Enverga, Vice Governor Anacleto “Third” Alcala III, Infanta Mayor Lord Arnel “LA” Ruanto, Vice Mayor Mannie America, Board Member Keith Mikhael Tan, at iba pang lokal na opisyal.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor Ruanto na hindi lamang nakatuon sa pagbibigay ng tulong ang DSWD kundi maging sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga komunidad.
“Hindi lamang social welfare ang layunin ng DSWD kundi pati development upang mapalakas ang kakayahan ng mga komunidad at matiyak ang pag-unlad ng mga Pilipino,” ani Ruanto.
(PAOLO SANTOS)
40 