Mga proyektong maanomalya kinansela PONDO INILIPAT NG QC SA AYUDA, KALUSUGAN

KAMAKAILAN, inaprubahan ang 2021 budget ng Lungsod Quezon kung saan muling sinuri at itinigil ang mga proyektong napag-alamang hindi umuusad o maanomalya, upang mabigyang pansin ang mga mas kinakailangang proyekto, lalo na sa social amelioration o ayuda.

Ang paglilitis ng mga proyektong kinansela ay ginawa ng City Engineering Department, City Legal Department, and Internal Audit Service (IAS) ng lungsod, ayon sa pag-uutos ni Quezon City (QC) Mayor Joy Belmonte.

Mahigit 40 na proyekto ang inirekomendang ikansela, kasama rito ang Phase II at Phase III ng pagbubuo ng Quezon City Convention Center na simulan noong nakaraang administrasyon. Napag-alamang hindi alinsunod sa tamang proseso ang pag-apruba ng proyekto. Ito ay na-approve kahit na masasabing “imposible” na matapos ang proyekto sa loob ng 180 na araw simula noong masimulan ito noong Marso 1, 2019. Ang proyekto ay dapat natapos na noong Agosto 27, 2019.

Matapos mapagkaloob ang proyekto, humingi ng maraming extension ang contractor at ipinangakong matatapos ito noong Pebrero 17, 2020, at sinisingil pa ang lungsod ng karagdagang P35 milyon upang mahabol ang “cost of delay”. Ngunit kahit nabigyan na ng palugit, hindi pa rin natapos ang proyekto sa takdang panahon.

Sa kasalukuyan, mababa pa sa 75% ang completion rate ng Phase II ng proyekto habang hindi pa nasisimulan ang Phase III, kaya minabuti na ring kanselahin ito, ayon sa Office of the City Attorney ng QC.

Naglaan ang Quezon City ng P28.7 bilyon para sa 2021, at halos kalahati nito ay mapupunta sa social welfare and services, o sa mga programang pagtulong sa mga nangangailangan at pangkabuhayan.

“Ang budget allocation na ito ay tapat sa layunin ng lungsod na bigyang importansiya ang pagbigay ng ayuda at kabuhayan sa mga QCitizen. Kasama rin dito ang pagbibigay ng nararapat at tamang pasuweldo sa ating mga healthcare worker, at sa pagpapabuti pa ng ating mga pasilidad pangkalusugan,” sabi ni Belmonte.

161

Related posts

Leave a Comment