MGA PULIS BAWAL NANG RUMAKET

IPINAG-UTOS ni Philippine National Police (PNP) chief, Police General Rommel Francisco Marbil sa kanyang mga opisyal na iprayoridad ang kaligtasan ng publiko at hindi ang pagbibigay ng serbisyo sa pribadong mga indibidwal.

Mahigpit na ipinag-utos ni Gen. Marbil sa pulisya na itigil ang “moonlighting” o paggawa ng sideline habang nasa serbisyo.

“Our duty is to ensure the safety of our citizens. Police must be available at all times to address the needs and concerns of the public,” paalala ni Marbil.

“By prohibiting moonlighting, we are reinforcing our commitment to quick and efficient response to any situation,” sabi pa ng heneral, kaya naglabas ng direktiba para magarantiyahan na handang tumugon nang mabilis ang lahat ng mga pulis sa mga reklamo ng mamamayan at agarang pangangailangan.

Ginawa ng PNP chief ang naturang direktiba kasunod ng ilang mga insidente ng moonlighting sa hanay ng pulisya kabilang ang naiulat kamakailan na 4 na miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team na nagbigay umano ng security service sa isang pribadong event sa Pasig City.

Ang apat ay tinanggal na sa kanilang puwesto kasunod ng imbestigasyon ng Eastern Police District.

Habang may dalawa namang kasapi ng PNP-SAF ang nabistong tumatayong security ng isang mayamang Chinese national na naninirahan sa Ayala, Alabang, ang inaresto at ipinagharap ng kasong administratibo.

Samantala, nauna nang sinabi ng PNP na plano nitong bumuo ng isang special team na nakatuon sa pagpigil sa hindi awtorisadong paggamit ng mga sasakyan ng PNP at naatasan ding subaybayan ang mga opisyal at tauhan na nakikibahagi sa moonlighting.

Batay sa PNP regulations, tanging Police Security Protection Group ang pinapayagang magbigay ng seguridad sa awtorisadong mga indibidwal. (JESSE KABEL RUIZ)

193

Related posts

Leave a Comment