MAKARARAMDAM ng katiting na umento sa sahod ang minimum wage earners sa Kalakhang Maynila matapos aprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board – National Capital Region (RTWPB-NCR) ang P35 hike sa kanilang ‘daily salary.’
Sa isang social media post nitong Lunes, sinabi ng RTWPB-NCR na ang Wage Order No. NCR-25 ay nilagdaan noong Hunyo 27 at inilathala rin kahapon. Magiging epektibo ito, 15 araw matapos ilathala.
Nangangahulugan na ang daily minimum pay para sa non-agriculture workers ay itinakda sa P645 mula sa kasalukuyang P610.
Sa kabilang dako, ang daily minimum wage para sa mga manggagawa sa agrikultura (plantation at non-plantation), service/retail establishments na mayroong 15 manggagawa o mas mababa at manufacturing establishments na regular na nagpapatrabaho ng mas mababa sa 10 manggagawa, ay magkakaroon ng umento at magiging P608 mula sa kasalukuyang P573.
“The minimum wage rates prescribed under this Order shall be for the normal working hours which shall not exceed eight (8) hours of work a day,” ayon sa board.
Bago naaprubahan, tatlong petisyon ang inihain sa Board, humihiling ng wage adjustments mula P597 ay magiging P750, petisyon mula sa Unity for Wage Increase Now, St. Luke’s Medical Center Employees’ Association, The Medical City Employees’ Association, St. Luke’s Medical Center Global City Employees’ Union Independent, Manila Doctors Hospital Employees’ Association at Pasig Labor Alliance for Democracy and Development.
Nagmatigas sa P750
Para naman sa isang mambabatas sa Kamara, mas kailangan ang legislative wage increase na P750.
Giit ito ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas matapos ilabas ng RTWPB-NCR ang kanilang desisyon na P35 umento simula Hulyo 16, 2024.
“This P35 increase is an insult to Filipino workers. It’s barely different from the P25 wage hike implemented way back in 1989, and lower than the P40 hike granted last year. How can the government expect NCR workers to survive on P645 a day when the Family Living Wage stands at P1,200 and when prices continue to accelerate?” ani Brosas.
Malayo ito sa hinihinging P150 hanggang P750 ng iba’t ibang grupo ng mga obrero dahil sa patuloy na paglobo ng inflation rate o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo publiko.
Ang P750 across the board wage hike ng Makabayan bloc, at iba pang kahalintulad na mga panukala ay patuloy na dinidinig ng Kamara. (BERNARD TAGUINOD)
