INALERTO kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang mga tauhan nito sa Calabarzon sa posibleng mass evacuation dahil sa patuloy na pagbubuga ng abo ng Bulkang Taal.
Kasunod na rin ito ng paglalagay sa Alert Level 3 ng sitwasyon sa Taal Volcano.
Alas-3:16, Huwebes ng hapon ay nagbuga ng malakas na usok ang bunganga o main crater ng bulkan.
Dulot nito, inirekomenda ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang paglilikas sa Bulkang Taal island at sa mga nasa high risk areas, partikular na sa Agoncillo at Laurel sa Batangas dahil sa banta ng pyroclastic density at volcanic tsunami.
Sa bahagi naman ng PNP, sinabi ni Police Chief General Guillermo Lorenzo T. Eleazar na dapat nang simulang makipag-ugnayan ang kinauukulang opisina at yunit ng pulisya sa mga lokal na pamahalaan kung anong maaari nilang maitulong sa mga posibleng maapektuhang residente.
Kailangan din umanong laging i-monitor ng mga lokal na pulisya ang aktibidad ng Taal Volcano. (JESSE KABEL)
146
