LAKING galit ng mga tauhan ng NCRFU at Sto Tomas City police nang matuklasan na fake message ang ipinarating sa kanila na may posibleng pinatay at inilibing sa isang farm sa Sto. Tomas, Batangas.
Ayon sa nagpadala ng mensahe, posible umanong ang nawawalang Pharma CEO ang biktima.
Base sa report ng Sto Tomas police, natanggap ng hotline ng CIDG NCR mula umano sa isang concerned citizen dakong alas-12:00 Lunes ng tanghali ang mensahe.
Ayon sa text message, narinig umano niya ang balita hinggil sa pagkawala ng Pharma CEO noong July 19 habang sakay ng kanyang Land Cruiser.
Ayon pa sa text message, noon ding July 19, dakong alas-10:30 ng gabi nang may marinig siyang nagmamakaawa sa lugar at humihingi ng tulong.
Tumagal lamang anya ng ilang minuto at may umalis na sasakyan sa lugar.
“Magandang umaga. meron po akong narinig sa radio na nawawala na isang presidente ng Pharma na nakasakay sa Land Cruiser na kulay puti, pagkatapos meron akong nadinig na nagmamakaawa ang sabi nya tulong in Jesus name, tapos mga ilang minuto umalis na din sila, pumasok sila ng July 19 mga 10:30PM dito sa Brgy. San Juan, Sto. Tomas City, Batangas sa lupain ni _____ ngunit si ___ ang nangangalaga nitong lupa na taga San Agustin, Sto. Tomas City, Batangas ang caretaker ng lupa ay si ____. ” ayon sa text message (sadyang hindi na pinangalanan ang mga binanggit sa mensahe).
Matapos matanggap ang text message, agad sumugod ang mga operatiba ng NCRFU sa Sto Tomas City police at nakahukay nga ng mga buto sa isang masukal na bahagi ng farm.
Subalit matapos ang pagsisiyasat ng SOCO nitong Martes ng tanghali, napag-alaman na mga buto lamang ng kambing ang nakuha ng mga awtoridad sa malalim na hukay.
Tine-trace na ng mga awtoridad kung sino ang sender ng text message at aalamin kung ito ay nagmamagandang loob lamang sa pagbibigay ng impormasyon o talagang nanloloko. (NILOU DEL CARMEN)
