NAGKASA ng sorpresa at unannounced na drug testing ang Police Regional Office CALABARZON (PRO4A) sa kanilang mga tauhan matapos ang Flag Raising Ceremony noong Lunes ng umaga sa Covered Court ng Camp BGen. Vicente P. Lim, sa Calamba City.
Layunin ng aktibidad na tiyakin na ang bawat miyembro ng kanilang hanay ay sumusunod sa mataas na pamantayan ng integridad, disiplina, at propesyonalismo na inaasahan mula sa mga tagapagpatupad ng batas.
Ayon kay Regional Director, PBGen. Paul Kenneth P. Lucas, mahalaga ang pagkakaroon ng drug-free workplace para mapanatili ang tiwala ng publiko sa kanilang hanay.
Ang drug testing ay isinagawa sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 4A, kasama ang Regional Intelligence Division at ang Regional Forensic Unit 4A upang masigurado ang pagiging patas at tama ng proseso.
Ang nakolektang mga sample ay daraan sa masusing pagsusuri.
Sinabi rin ng PRO4A na ang mapatutunayang mga gumagamit ng ilegal na droga ay sasampahan ng kaukulang kasong administratibo at kriminal alinsunod sa umiiral na mga batas at polisiya. (NILOU DEL CARMEN)
