BULACAN – Nagkabakbakan ang militar at limang miyembro ng New People’s Army o NPA nang abutang nangingikil ng pagkain ang mga rebelde noong Sabado ng umaga sa Sitio Sapang Munti, Brgy. San Mateo, sa bayan ng Norzagaray sa lalawigang ito.
Nakasagupa ng pwersa ng 80IB ng militar ang limang miyembro ng CTG (communist terrorist group) na kabilang sa Platun 1 (Sentro De Grabidad), Komiteng Larangan Gerilya Narciso, Sub-Regional Military Area 4A, ng Southern Tagalog Regional Party Committee (Platun-1 SDG, KLG Narciso, SRMA 4A, STRPC).
Ayon kay ni Lt. Col. Erwin y Commendador, napigilan ang paghahasik ng takot at mga ilegal na gawain ng teroristang NPA dahil sa impormasyong ibinigay ng mga residente habang nagsasagawa ng tuloy-tuloy na Focused Military Operation (FMO) sa naturang lugar ang mga awtoridad.
Umabot sa limang minutong bakbakan ang engkwentro ng dalawang panig ngunit wala namang iniulat na nasaktan sa mga tropa ng militar habang bineberipika pa ang bakas ng mga rebelde .
Natagpuan sa pinangyarihan ng insidente ang sari-saring mga armas tulad ng isang assault rifle, 5.56mm, M16 rifle, isang 5.56mm, M16 short magazine, isang 9mm pistol, isang .45 caliber pistol, dalawang granada, tatlong smartphones, isang sakong bigas, isang mapa, mga magasin, bala at iba pang mga subersibong kagamitan o dokumento. (CYRILL QUILO)
