Mga residente umapela ng tulong KABAHAYAN SA SARIAYA, QUEZON IKINULONG NG BAKOD

UMAPELA ng tulong ang mga residente ng isang sityo sa Barangay GuisGuis Talon, Sariaya, Quezon matapos makulong ng bakod ang kanilang mga bahay na umano’y nakatayo sa nasasakop na ari-arian ng isang kilalang mayamang negosyanteng Filipino-Chinese sa nasabing lalawigan.

Noong Huwebes ng umaga, nagulat na lamang ang mga residente ng Sityo Paraiso nang ang kanilang dalawang daanan palabaas ng main road ay kandaduhan ng nakabantay na mga security guard.

Kinailangan tuloy ng mga batang papasok sa eskwelahan na umakyat sa lampas taong bakod para makatawid.

Ang iba namang mga mag-aaral ay hindi na pumasok sa eskwela dahil sa takot na baka hindi na sila padaanin pauwi.

Ayon sa mga residente, biglaan at walang abiso ang pagsasara at hindi rin umano alam ng mga opisyal ng barangay ang ginawang pagkakandado ng dalawang gate.

May nagpakita lamang umano ng isang closure order o sulat at nakalagda ang isang Ramil Padios na tumatayong authorized representative ng korporasyon kung saan nakasaad na epektibo noong Nobyembre 30 ay permanenteng isasara na ang mga daanan.

Napag-alaman na si Padios ay ang security officer ng naturang property.

Naka-address ang sulat sa kapitan ng barangay at sa Sanggunian subalit nang kuwestyunin ng mga residente ay itinanggi umano ng mga barangay official na nakatanggap sila ng kopya.

Apektado sa ginawang pagsasara ng 44 hectares na ari-arian ang humigit kumulang sa 130 kabahayan at 1,000 residente.

Napag-alaman na matagal nang may usapin sa ‘ownership’ ang nasabing lugar sa pagitan ng dating may-ari at mga tenant.

Hinihiling din ng mga residente na kilalanin ng korporasyon na siyang bagong nakabili ng property, ang kanilang hawak na mga certificate mula sa Department of Agrarian Reform na nagpapatunay na pag-aari at na-award na sa kanila ang lupang kinatatayuan ng kanilang mga bahay.

Umiwas namang sumagot ang Sariaya LGU sa usapin at nasa proseso pa aniya sila ng pagbubuo ng task force na reresolba sa problema.

Matatandaan na noong nakaraang buwan lamang sumiklab ang tensyon sa lugar matapos na paulanan ng bala ng hindi nakilalang mga suspek na sakay ng isang van, ang outpost ng mga security guard sa lugar.

Tatlo sa mga security guard ang nasugatan sa nasabing pamamaril.

Kaya hiling ng mga residente ng pinag-aagawang lugar na upang mapawi ang tensyon ay makialam at mamagitan ang mga opisyal, hindi lamang ng kanilang bayan kundi maging ang mga ahensya ng pamahalaan na nakasasaklaw sa usaping agraryo. (NILOU DEL CARMEN)

315

Related posts

Leave a Comment