MGA SIKSIKANG KULUNGAN, PINATUTUGUNAN

NANAWAGAN si Senadora Leila de Lima sa gobyerno na agad nang resolbahin ang matagal nang problema sa nagsisiksikang mga kulungan sa bansa.

Kasunod ito ng pagkamatay ng anim na preso at pagkasugat ng 33 pang Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa riot sa Caloocan City Jail noong Enero 11.

Naganap ang riot matapos ang kaguluhan sa loob ng New Bilibid Prison (NBP)  na ikinasawi ng tatlong PDLs.

“Hangga’t hindi nabibigyan ng kaukulang pansin at hindi nasosolusyunan ang matagal nang problema ng malubhang pagsisiksikan sa ating mga kulungan, hindi matatapos ang ganitong mga kaguluhan at insidente ng karahasan,” saad ni De Lima.

“Paulit-ulit lang itong mangyayari at lalo lamang lalalim ang ugat ng problema. Let’s not forget also that severe congestion makes PDLs extremely vulnerable to diseases and COVID-19 infection,” dagdag ng senador.

Iginiit ni de Lima na ang mga preso ay tao rin na nangangailangan ng makataong pagtrato at obligasyon ng gobyerno na igalang ang karapatang pantao ng lahat.

“Ang bilangguan o piitan ay isa ring lunsaran ng pagbabagong-buhay; ng pagkakataon na pagsisisihan ang kasalanan at makabalik sa lipunan. Kung ang dadatnan at ang magiging pamumuhay ng PDLs ay may talamak na krimen, pang-aabuso, may malubhang siksikan na nagdudulot ng pagkakasakit at ibayong dusa, paano magiging posible ang pagbabagong buhay?,” tanong ng senadora. (DANG SAMSON-GARCIA)

148

Related posts

Leave a Comment