HINIKAYAT ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang mga opisyal ng gobyerno at mga pribadong kontratista na tumestigo hinggil sa mga iregularidad sa mga proyekto ng flood control ng pamahalaan.
Ipinahayag ito ni Remulla sa isang press briefing at sinabi ring maaari silang lumapit sa mga kilala nilang piskal o sa Department of Justice.
“It makes the job much easier ‘pag meron kang naging state witness dito,” aniya.
Dagdag pa ng kalihim, tatanggalin sila ang mga aamin sa pananagutang kriminal ngunit hindi sa pananagutang sibil.
“Isauli naman ‘yung kanilang yaman na hindi naman dapat kasi ang lugi rito masang Pilipino,” paliwanag niya.
“‘Wag naman kayong mag-expect na yayaman pa rin kayo sa ginawa ninyong ‘yan. Dapat isauli n’yo naman. May hustisya naman dapat sa lahat,” dagdag pa ng kalihim.
(JULIET PACOT)
