RAPIDO Ni PATRICK TULFO
TUMAWAG na sa wakas sa inyong lingkod ang may-ari ng CMG na si Michelle Guinto na nakabase sa Dubai, UAE, ilang linggo matapos na ilabas namin ang mga reklamo laban sa kanila na may kinalaman sa pag-abandona ng mga kargamento na ipinadala nila dito sa Pinas.
Naging mahaba at mainit ang naging usapan namin ni Ms. Guinto ukol sa mga isyung kinakaharap ng kanyang negosyo at dahil sa hindi nga magkakasya ang kabuuan ng nasabing usapan, akin na lang ikukuwento ang mga sagot ni Michelle Guinto sa aming katanungan sa problema ng mga inabandona nilang mga kargamento.
Una, ipinaliwanag nito na tulad daw ng ibang negosyo sa Dubai, sila raw ay lubhang naapektuhan din ng pandemya kaya naapektuhan ang kanilang cash flow dahil mayroon daw mga broker na nakikidala sa kanila na hindi rin nagbayad. Idinagdag pa nito na sampung taon na raw ang kanyang kumpanya sa Dubai at bilang isang dating OFW ay hindi niya kayang manloko ng kapwa niya OFW.
Ang sagot ko rito ay matagal na naming gustong makuha ang kanilang panig na paulit-ulit naman nilang tinatanggihan. Ayon kay Michelle Guinto, ito raw ay dahil na rin sa utos ng kanilang abogado na ‘wag na munang magsalita ukol dito.
Sa isyu naman kung ano ang kanilang nais na ipakahulugan sa isang sulat na kanilang ipinadala sa kanilang mga kliyente ukol sa pagpapalabas ng Bureau of Customs sa DDCAP ng pitong cargo containers na kanilang inabandona, ayon kay Ms. Guinto, kanila lang daw pinasalamatan ang BOC, DDCAP sa pagkaka-release ng mga kargamento at wala silang ibang gustong ipakahulugan.
Sinabi ko naman sa kanya na hindi ganoon ang pagkaintindi ng mga kliyenteng naabala nila, dahil tila pinalalabas nila na mayroon silang papel na ginawa rito gayung wala naman. Binanggit ko rin ang isa pang kontrobersiyal na nilalaman ng naturang sulat na kung saan ay sinabihan nila ang mga nakatanggap nito na wala silang babayaran na delivery fee.
Ayon kay Michelle Guinto ito raw ay dahil sasagutin nila ang delivery charges para sa mga padala, pero nang ipaalam namin kay DDCAP Pres. Joel Longares ang nilalaman ng sulat, nagalit ito at sinabing wala namang nakikipag-usap sa kanila mula sa panig ng CMG.
And last but not the least, ipinaalala ko kay Ms. Guinto na hindi lamang ang pag-abandona ang problemang iniwan nila bagkus, pati na ang mga nasirang mga pagkain at gamot na laman ng mga naturang cargo containers. Sinagot nito na alam nila ang kanilang mga responsibilidad at sinabing ang mga mensahe ng mga naghahabol ng compensation para dito ay kanilang ipro-proseso.
Magpapadala rin daw siya ng kopya ng form sa amin para maibigay sa mga complainant na wala pa rin magpasa- hanggang ngayon.
