‘MIDNIGHT DEAL’ SA MAYNILA SUMINGAW

KUMIKILOS ang mga kaalyado ni outgoing Manila Mayor Honey Lacuna para sa umano’y “midnight deal” para aprubahan ang long-term lease contract sa isang establisimyento bago bumalik si Mayor-elect Isko Moreno Domagoso.

Mahigit isang buwan bago pormal na maupo si Domagoso, lumalakas ang mga agam-agam tungkol sa umano’y “midnight deal” na isinusulong ng natitirang mga kaalyado niya sa Sangguniang Panlungsod ng Maynila.

Ayon sa isang insider mula sa Konseho, nakatanggap ng text blast ang mga kasaping kaalyado ng mayorya na hinihimok silang dumalo sa isang face-to-face session ngayong Huwebes, Mayo 29.
Ayon sa mensahe: “Please po pasok tayong lahat sa Thursday… may need si Mayorang ipasa.”

Kabilang sa agenda ng sesyon ang isang draft resolution na magbibigay ng awtoridad kay Mayor Lacuna na pumasok sa isang limang taong lease agreement sa isang pribadong entidad para sa commercial spaces at parking lots sa Pedro Gil Residences sa San Andres—isa sa mga pangunahing proyekto ng pabahay publiko na sinimulan sa ilalim ng administrasyon ni dating Mayor Isko Moreno.

Ito ay batay na rin sa lumabas na dokumento kung saan ang nasabing panukala ay inisponsoran ni Majority Floor Leader at Third District Councilor Ernesto “Jong” Isip Jr.

Ayon sa panukala, ito ay base sa isang sulat noong Pebrero 3 mula sa Secretary to the Mayor na si Atty. Marlon Lacson, na humihiling ng legislative authority para pahintulutan si Mayor Lacuna na pumasok sa naturang kasunduan bago siya bumaba sa puwesto.

“Nire-refer ang letter-request, kasama ang proposed Contract of Affiliation and Acceptance, sa Sangguniang Panlungsod para sa nararapat na aksyon,” ayon sa draft resolution.

Sa ilalim ng panukala, kinakailangan pa ring dumaan sa review at ratipikasyon ng parehong Konseho ang pinal na lease contract—kung saan nananatiling mayorya ang kaalyado ni Mayor Lacuna hanggang Hunyo 30.

Si Lacuna ay natalo sa lokal na halalan noong Mayo 12 matapos makakuha lamang ng 21.19% ng boto laban kay Mayor-elect Domagoso na dati na ring naging alkalde ng lungsod na nakakuha naman ng 59.02%.

Natalo rin ang halos lahat ng kaalyado ni Lacuna sa katatapos lamang na midterm elections dahil 23 sa 36 pwesto ay nakuha ng Yorme’s Choice habang 12 lamang ang nanalo sa team ni Lacuna at isang konsehal ang tumakbo bilang independent.

(JOCELYN DOMENDEN)

35

Related posts

Leave a Comment