Milyong halaga ng party drugs nasamsam 17 HVTs ARESTADO SA BEACH PARTY

BIGLANG nagkagulo at nabulabog ang beach party nang ihudyat ang anti-narcotics operation ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at National Bureau of Investigation (NBI) sa isang beach resort sa Mabini, Davao de Oro.

Ayon sa ulat, 17 high value targets ang naaresto sa operasyon noong gabi ng Sabado sa Sea Eagle Beach Resort sa Purok Manaklay, Barangay Pindasan, Mabini, Davao De Oro.

Kinilala ang target ng operasyon na si Reysan Ethelbert Elizalde, gayundin ang sinasabing mga kasabwat nito na sina Faye Olea, Bryk Archival, Bryan Tiu at Carlo Guerrero.

Kabilang din sa nadakip na pawang high value target (HVT) drug personalities sina Ariel Baer Bueno, negosyante; Jan Lord Barcenas Masong, negosyante; Ronald Ente Chuan, accountant; Christopher Daguman Prudente, registered nurse; Edel Rubio Caballero; Tom Jhun Bernardino Doblas; Jesus Bentonon Ragas; Jason Obedencio Viduya; Giovanni Lumabi Tabanao; Mark Christopher Anisco Isip; Fritz Chente Dinopol; at Jomark Flores Aping, pawang sinasabing suspected drug users sa nasabing party.

Nakumpiska sa operasyon ang 10 gramo ng shabu, 722 tablets at capsule ng hinihinalang party drugs na nagkakahalaga ng P1,227,400;

liquid ecstasy (P24,000); 77 pcs suspected LSD (P130,900); 9 plastic bots ng suspected liquid ecstasy (P15,000), at 2 vials ng suspected liquid ecstasy (P17,000).

Sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga arestado.

Sinasabing kabilang sa mga imbitado ang information officer ng Davao City na dumalo sa nasabing exclusive party subalit nakaalis na, isang oras bago ang pagsalakay ng PDEA.

Sa pinalabas na pahayag ng tanggapan ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, kinumpirma nito na sinibak na nila si Jefry Tupas matapos na makumpirma ang pagdalo nito sa party na sinalakay ng mga awtoridad. (JESSE KABEL)

498

Related posts

Leave a Comment