Minor na mahuhuli sa curfew MAGULANG PARURUSAHAN

MAGULANG o guardian ang parurusahan kapag nahuli sa curfew ang isang menor de edad.

Ito ay sa sandaling makapasa ang panukalang batas sa Kamara na magtatakda ng curfew sa mga minor.

Sa ilalim ng House Bill (HB) 1016 o Nationwide Curfew Act na inakda ni BH party-list Rep. Bernadette Herrera, hindi na pwedeng lumabas ng kanilang bahay ang mga kabataan na wala pang 18-anyos pababa mula alas-diyes ng gabi hanggang alas-singko ng umaga.

“Children below the age of 18 are vulnerable to abuse leading to exploitation, drug addiction, and the commission of criminal acts, as well as being at the risk of committing criminal offenses themselves,” paliwanag ni Herrera sa kanyang panukala.

Nitong mga nakaraang araw, ilang insidente ng rambol ng mga kabataan ang naitala na karaniwang nangyayari sa dis oras ng gabi.

Bukod dito, sinabi ng mambabatas na may mga kaso aniya ng rape, pagnanakaw, pagdukot at pagpatay sa mga kabataan kaya nais nito na huwag palabasin ng bahay ang mga kabataan sa mga nabanggit na oras.

Ang mga magulang o guardian ay maaaring maparusahan ng 48 oras na community service o multang P2,000 sa unang paglabag.

Sa ikalawang paglabag, magkakaroon ang magulang o guardian at anak ng 2 session na counseling at 72 oras na community service o kaya P3,000 multa.

Mas bibigat ang parusang kakaharapin ng mga magulang o guardian sa ikatlong pagkakataon dahil pagmumultahin ang mga ito ng P5,000 o ipakukulong ng hanggang anim na buwan.

Ang mga kabataan naman na mahuhuling nasa lansangan sa ikatlong pagkakataon o higit pa ay agad ite-turnover sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sumailalim sa counseling at intervention program. (BERNARD TAGUINOD)

372

Related posts

Leave a Comment