DALAWANG linggong ipagbabawal ang paglabas ng bahay ng mga menor de edad simula bukas.
Tanging mga edad 18-65 ang papayagang makalabas ng kanilang tirahan sa gitna ng nakaaalarmang pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa Metro Manila.
Napagkasunduan ng 17 mayors na bumubuo ng Metro Manila Council, na gumawa ng resolusyon, sa pamamagitan ng Metropolitan Manila Development Authority, na nagbabawal sa may edad 15 hanggang 17 na lumabas ng bahay sa loob ng dalawang linggo.
Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, ang hakbang ay napagkasunduan ng mga Metro Manila mayor kaya saklaw nito ang 17 local government units na bumubuo sa National Capital Region sa layuning mapigilan ang pagkalat ng virus sa Metropolitan Manila.
“We are implementing age restrictions because of the increase in our COVID-19 cases. We encourage everyone to strictly observe and practice the minimum health protocols, and be extra careful and follow stringent measures particularly when around vulnerable family members, as there have been reports of transmission among family members. As I’ve said before, the Metro mayors and MMDA are regularly monitoring the COVID-19 numbers and we will implement calibration and changes on our directives depending on the figures that we have,” sabi ni Chairman Abalos.
Magugunitang nitong nagdaang buwan ay sinabi ni Abalos na nagkasundo ang 17 mayors na payagang luwagan ang age restrictions dahil sa aspeto ng ekonomiya na kailangang mabuhay dahil sa nakalipas na halos isang taon ay sumadsad ang kabuhayan. (DAVE MEDINA)
299 