BATANGAS – Natagpuan sa kustodiya ng Santo Tomas City Police Station sa lalawigan ang nawawalang urban poor organizer ng Bayan Muna na si Pauline Joy Banjawan matapos mawala ng halos dalawang araw.
Iniulat itong nawawala noong Abril 26 habang nangangampanya sa Santo Tomas City.
Ayon sa ulat, ilegal umano siyang kinuha ng mga tauhan ng 59th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines.
Si Banjawan ay sinampahan ng mga alegasyon ng paglabag sa batas hinggil sa mga ipinagbabawal na armas, na mariing itinanggi ng Bayan Muna Southern Tagalog.
Iniulat din na isinailalim siya sa pagpapahirap habang nasa pangangalaga umano ng 59th IB bago isinuko sa pulisya.
Hinihiling ng grupong Bayan Muna, Karapatan at iba pang human rights group ang agarang paglaya ni Banjawan at pagbasura sa mga gawa-gawang kaso laban sa biktima.
(NILOU DEL CARMEN)
