MITSA NG PELIGRO

SA datos ng gobyerno, bumababa na ang bilang ng mga kaso ng nakamamatay na COVID-19 sa Metro Manila. Maging ang tinatawag na reproduction rate o ang bilis na hawaan, hindi na anila kritikal.

‘Yan mismo ang basehan ng ­administrasyon sa pasya nitong luwagan na ang alert level status sa National Capital Region (NCR), kaya naman pinahintulutan na rin ang pagbubukas ng maraming negosyo.

Sa pagluluwag ng alert level status, marami ang natuwa. Anila, makapagtatrabaho na sila nang maayos. Mayroon namang sukdulan ang pagkabagot sa mahabang panahong sila’y bilanggo ng kani-kanilang sariling tahanan.

Sa pagluluwag ng alert level status, inakala nilang tapos na ang pandemya kaya hayun – gala rito, gala roon. Sa isang bahagi ng rehiyon, dinayo ang pasyalang ginastusan ng humigit kumulang kalahating bilyon.

‘Yan ang kontrobersyal na dolomite beach sa isang bahagi ng Manila Bay na sakop ng lungsod ng Maynila. Libong katao ang dumayo, sukdulang magbungguan na ang kanilang mga siko.

Masayang umuwi ang mga tao, pero lingid sa kanila – baka may uwi rin silang peligro. Bakit nga naman hindi mangangamba ang mga eksperto, mantakin mong siksikan ang taong manghang-mangha sa ginastusang proyekto sa gitna ng patuloy na banta ng lintik na pandemyang ito.

Isa ang tiyak. Maganda ang Manila Bay. Katunayan, ang mga turista rito’y dumarayo sa hangarin mamasdan ang paglubog ng araw na lubhang nagpasikat sa atin sa buong mundo.

Walang bahid alinlangan, batid ng ­gobyerno ang kanilang ginagawa. Ang kanilang mga pasya, palaging naninimbang sa kalusugan at ekonomiya.

Ang siste, may kulang – ang kahanga-hangang pasyalan, hindi man lang binabantayan. Sa sobrang tuwa at dinayo na ang kontrobersyal na pasyalan, nakalimutan yata ng gobyernong magpatupad ng mga panuntunang sila mismo ang may-akda.

May mga larawang dikit-dikit sa entrada pa lang, may mga taong walang suot na ano mang proteksyon man lang at walang ano mang talaan ng mga dumarayo sa hangaring tuntunin sakaling may magpositibo.

Isang paalala – nariyan pa ang COVID-19. Hindi dapat maging kampante.

217

Related posts

Leave a Comment