MIYEMBRO NG YAKUZA LAGLAG SA BI

ARESTADO sa mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Japanese gangster na mataas na miyembro ng Yakuza syndicate at nagtatago sa bansa upang takasan ang kasong murder na kanyang kinakaharap sa kanilang bansa.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang natimbog na si Toyama Yuji, 58-anyos, miyembro umano ng executive committee ng Komura Kai Sagamihara Branch na may kaugnayan sa Kyokuto Kai wing ng Yakuza syndicate.

Batay sa ulat, puntirya ng Japanese authorities ang nasabing suspek dahil sa warrant of arrest sa kasong pagpatay sa isang kasamahan, 20 taon na ang nakalilipas.

Ang suspek ay kabilang umano sa anim katao na nagtulong-tulong sa pagpaslang sa biktima saka ibinaon ang bangkay sa Sagamihara District sa Japan.

Agad namang nagpalabas si Morente ng mission order para madakip si Toyama.

“We received information about his crimes last week, and we immediately conducted a manhunt to locate and arrest him,” ayon kay Morente.

Ayon sa report ng BI-Fugitive Search Unit, nadakip ang suspek sa ikinasang operasyon sa Roxas Blvd. sa Manila noong nakalipas na linggo sa bisa ang mission order at warrant of arrest.

Nabatid na ‘overstaying at undocumented alien’ si Toyama sa Pilipinas at agad na ipade-deport pabalik sa Japan saka ilalagay sa blacklist para hindi na makabalik ng bansa. (RENE CRISOSTOMO)

88

Related posts

Leave a Comment