MIYEMRO NG BASAG-KOTSE, NATUNTON SA OSPITAL

NATUNTON ng mga operatiba ng Manila Police District ang isa sa dalawang kaanib ng tinaguriang “Basag-Kotse” gang, na umano’y naka-engkwentro ng mga tauhan ng Quezon City Police District noong Sabado ng gabi.

Base sa ulat ng MPD-Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) ng Jose Abad Santos Police Statuon 7, sa pangunguna ni P/Master Sgt. Roel Hernandez, natunton ang suspek na si Edrian Limos, 27, residente ng Bagong Pag-asa, Quezon City, sa Manila Central University Hospital (MCU) makalipas ang mahigit kalahating oras matapos maka-engkwentro sa Quezon Avenue (Delta), Barangay Paligsahan, Quezon City.

Ayon sa report ng pulisya , bandang alas-10:30 ng gabi, nang makatanggap ng tawag ang MPD-Station 7, mula sa admitting staff ng MCU Hospital, hinggil sa isang pasyenteng sugatan sa pamamaril na isinugod umano ng isang Erizz Ramera.

Sa rekord ng ospital, nabaril umano si Limos ng hindi kilalang suspek sa panulukan ng Tayuman St. at Jose Abad Santos Avenue sa Tondo.

Hanggang sa maberipika sa ilang barangay officials ng Brgy. 225 sa tinukoy na lugar na walang nangyaring shooting incident, gayundin ang nakasasakop na PCP sa Tayuman, kaya agad pinuntahan ng limang miyembro ng MPD-TMRU ang MCU Hospital.

Habang inimbestigahan sa ospital ng TMRU, dumating naman ang mga tauhan ng QCPD na sina P/SSgt. Dondon Sultan at dalawa pang police officers at positibong kinilala si Limos siyang nakatakas mula sa engkuwentro.

Ayon kay SSgt. Sultan, nagresponde sila sa insidente ng basag-kotse ngunit tumakas ang mga suspek patungong Welcome Rotonda sa Brgy. Sta. Teresita, Quezon City subalit hinabol nila ang mga ito.

Pagsapit sa Delta, Quezon Ave., nagkaroon ng palitan ng putok kaya tinamaan sa ibabang bahagi ng katawan si Limos, habang si P/SSgt. Sultan ay tinamaan sa dibdib ngunit maswerteng nakasuot ito ng bullet proof vest.

Itinurn-over na ang sa kaso kay P/Corporal Jesus Lapinid III ng QCPD- La Loma Police Station 1, habang bantay-sarado ang pasyenteng suspek.

Una rito, inalerto ng QCPD ang MPD hinggil sa pagtakas ng sugatang suspek habang ginagalugad ang mga pagamutan na posibleng pagdalhan kay Limos. (RENE CRISOSTOMO)

314

Related posts

Leave a Comment