PINANGUNAHAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sa pamumuno ni Chairman Atty. Don Artes, ang ikatlong Joint Coordination Committee (JCC) meeting para sa Capacity Enhancement on Traffic Management with Improvement of Intelligent Transportation Systems for Metropolitan Manila (MMITS) Project.
Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa 17 local government units (LGUs) ng Metro Manila, mga ahensya ng pambansang pamahalaan at mga miyembro ng akademya.
Nakatuon ang pulong sa progreso ng proyekto, mahahalagang naisakatuparan at mga susunod na aktibidad na naglalayong palakasin ang pagpaplano para sa intelligent transportation systems (ITS), pamamahala ng traffic data at paggamit ng teknolohiya sa pamamahala ng trapiko sa buong Metro Manila.
Sa kanyang pambungad na mensahe, binigyang-diin ni MMDA Chairman Atty. Don Artes ang kahalagahan ng pagpapalakas sa kakayahan ng ahensya sa pagpaplano at pagpapatupad ng ITS, gayundin sa pamamahala at paggamit ng transport data.
“Layunin ng MMITS Project na palakasin ang ating kakayahan sa pagpaplano at pagpapatupad ng ITS, gayundin sa pamamahala at paggamit ng transport data. Mahalaga ang mga kakayahang ito upang matulungan tayong tumugon sa nagbabagong hamon sa trapiko ng metropolis at makabuo ng mas integrated at data-driven na sistema ng pamamahala ng trapiko,” ani Chairman Artes.
Binanggit naman ni Japan International Cooperation Agency (JICA) Senior Representative Takanori Morishima ang naging progreso ng MMITS Project mula noong nakaraang JCC meeting, kabilang ang mga naisakatuparan sa pamamagitan ng patuloy na pagtutulungan ng JICA, MMDA, mga national government agencies (NGAs), LGUs at iba pang katuwang na ahensya.
“Ang lahat ng mga naisakatuparan hanggang ngayon ay naging posible dahil sa tapat na pagsisikap ng MMDA, mga partner agency, LGUs at JICA. Inaasahan namin ang patuloy at higit pang pagpapalakas ng ating pagtutulungan,” ani JICA Senior Representative Morishima.
Sinabi rin niya na kabilang sa mga prayoridad ng JICA sa Pilipinas ang pagsusulong ng sustainable economic growth na nangangailangan ng malawak na connectivity sa pagitan at loob ng mga urban at rural na lugar.
Sa ilalim ng Output 1, tinalakay ng komite ang pagsasapinal ng short-term action plan ng proyekto habang patuloy ang koordinasyon ng mga project delegate upang higit pang mapahusay ang plano.
Tinukoy rin ang mga task force na naaayon sa aktuwal na pangangailangan at mga prayoridad ng MMDA.
Samantala, nakatuon ang Output 2 sa dalawang pilot project na naglalayong palakasin ang paggamit ng teknolohiya at inobasyon sa pamamahala ng trapiko.
Isa rito ang Smart Pole Implementation Plan na kinabibilangan ng paglalagay ng iba’t ibang uri ng sensor sa mga kasalukuyang poste ng MMDA sa isa hanggang dalawang piling intersection.
Magsasagawa ng implementation test upang mangalap at magsuri ng datos hinggil sa trapiko at kapaligiran, gayundin upang suriin ang katumpakan at kakayahan ng mga sensor.
Ang ikalawang pilot project ay ang pagbuo ng mobile application mula sa katatapos na “Bagong Gawi, Bagong Galaw” Mobile Application Challenge, na nag-anyaya sa mga innovator na bumuo ng smartphone-based applications na maaaring makatulong sa pamamahala ng trapiko.
Kasalukuyang tinatalakay ang pagbuo ng winning application na “Lakbay Points,” na binuo ng isang team mula sa Cagayan State University, pati na ang posibilidad na maisama ito sa mga umiiral na sistema ng LGUs at NGAs.
Para naman sa Output 3, tinalakay ang patuloy na pagpapahusay sa Waze dashboards at muling pagbuo ng traffic data platform upang maisama ang iba’t ibang pinagmumulan ng datos sa trapiko.
Kabilang sa mga kasalukuyang aktibidad sa ilalim nito ang Traffic Signal Control Improvement Task Force at ang pagbuo ng Road DX System, isang integrated platform para sa datos, visualization at decision support.
Sa susunod na anim na buwan, pagtutuunan ng proyekto ang higit pang pagbuo ng ITS Development Plan, pisikal na pagpapatupad ng unang pilot project at patuloy na koordinasyon sa winning team ng mobile application challenge upang higit pang mapaunlad ang isang application na makatutulong sa pagpapatupad at pagtataguyod ng Travel Demand Management (TDM) at pamamahala ng trapiko.
Isinagawa rin ang isang open forum kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga kalahok mula sa LGUs, NGAs at iba pang stakeholder na magtanong at maglahad ng kanilang mga alalahanin hinggil sa pagbuo at pagpapatupad ng mga sistema at platform ng proyekto.
Sa kanyang pangwakas na mensahe, binigyang-diin ni MMDA Deputy Chairman Usec. Frisco San Juan Jr. ang pangangailangang maisalin sa konkretong aksyon ang mga napag-usapan at matiyak na maisasama ang mga output ng proyekto sa regular na operasyon ng ahensya sa pamamahala ng trapiko.
“Ang mga talakayan natin ngayon ay nagbigay rin sa atin ng mas malinaw na direksyon para sa mga susunod na aktibidad ng proyekto. Kailangan nating isapinal at i-validate ang ITS Development Plan kasama ang ating mga stakeholder, i-endorso ang mga prayoridad na proyekto para sa pagpapatupad, at tiyaking ang ating mga pilot project ay maaari nang palawakin at maisama sa regular nating operasyon sa pamamahala ng trapiko,” ani MMDA Deputy Chairman Usec. San Juan.
Ang MMITS technical cooperation project sa pagitan ng MMDA at JICA ay bahagi ng mas malawak na reform agenda sa ilalim ng Five-Year Action Plan for Traffic Management 2023–2027.
Nagmula ito sa JICA Technical Cooperation Project on the Comprehensive Traffic Management Plan na ipinatupad mula 2019 hanggang 2022.
(DANNY QUERUBIN)
54 