VILLAR NANINDIGAN SA PAG-ALIS NG TRAVEL TAX PARA BAWASAN GASTOS AT PALUWAGIN BIYAHE NG BAWAT PILIPINO

PASAY CITY — Nanawagan si Senador Mark A. Villar para sa mabilis na pagpasa ng Senate Bill No. 1870, o ang “Travel Tax Abolition Act,” na naglalayong alisin ang matagal nang ipinapataw na travel tax sa mga Pilipinong umaalis ng bansa.

“Hindi dapat maging dagdag na pasanin ang pag-alis ng bansa, lalo na para sa mga Pilipinong bumibiyahe upang magtrabaho, mag-aral, magpagamot, magnegosyo, o makasama ang kanilang pamilya. Panahon nang alisin ang travel tax at ibalik sa ating mga kababayan ang perang maaari nilang magamit sa mas mahalagang pangangailangan,” ani Senador Villar.

Ipinatupad ang travel tax noong 1977 sa ilalim ng Presidential Decree No. 1183, sa panahong itinuturing pang pribilehiyo ang paglalakbay sa ibang bansa.

Ayon kay Senador Villar, hindi na angkop sa kasalukuyang panahon ang naturang polisiya dahil ang mga Pilipinong biyahero ay nagbabayad ng buong travel tax na P1,620 para sa economy-class passage at P2,700 para sa first-class passage.

Dahil dito, kailangang maglaan ng karagdagang P6,480 ang isang pamilyang may apat na miyembro na bibiyahe sakay ng economy class bago makaalis ng bansa.

“Malaking bagay na sa isang pamilya ang P6,480. Maaari itong ilaan sa pagkain, pamasahe, tirahan, gamot, o iba pang gastusin sa biyahe. Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, nararapat lamang na alisin natin ang mga singil na hindi na angkop sa kasalukuyang panahon,” dagdag ni Senador Villar.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1870, pagbabawalan ang mga ahensya ng pamahalaan at pribadong entidad na maningil ng travel tax kapag naging epektibo ang panukala.

Ang mga pasaherong nakapagbayad na ng travel tax para sa mga flight na nakatakdang bumiyahe sa o pagkatapos ng petsa ng bisa ng batas ay karapat-dapat ding makatanggap ng agarang refund.

Sinusuportahan din ng panukala ang mga layunin ng ASEAN Tourism Agreement na naglalayong mapadali ang paglalakbay at mapalakas ang connectivity sa mga miyembrong bansa ng ASEAN.

Upang maibsan ang pangamba sa posibleng pagkaantala ng mga programa ng pamahalaan, sinabi ni Senador Villar na may mga safeguard ang panukala upang matiyak ang patuloy na pagpopondo sa pamamagitan ng taunang General Appropriations Act para sa mga proyektong dati nang sinusuportahan ng koleksiyon mula sa travel tax.

Sa kasalukuyan, 50 porsyento ng nakokolekta ay napupunta sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority para sa pagpapaunlad ng turismo, 40 porsyento sa Commission on Higher Education para sa mga programang pang-edukasyon na may kaugnayan sa turismo, at 10 porsyento sa National Commission for Culture and the Arts.

“Patuloy nating susuportahan ang turismo, edukasyon, at kultura, ngunit hindi kailangang manggaling ang pondo sa dagdag na singil sa mga Pilipinong bumibiyahe. Ang mga ito ay pambansang programa na dapat pondohan sa ilalim ng pambansang badyet,” giit ni Senador Villar.

“Simple ang layunin natin: bawasan ang gastos, paluwagin ang biyahe, at bigyan ng mas malaking kalayaan ang bawat Pilipinong maghanap ng oportunidad saan mang panig ng mundo,” pagtatapos ni Senador Villar.

(DANNY BACOLOD)

71

Related posts

Leave a Comment