MMDA, DOH AT PCG full force sa Traslacion 2026 CLEARING OPS NILARGA SA ILANG KALYE SA MAYNILA

PUSPUSAN ang isinagawang joint clearing operation ng ilang ahensya ng gobyerno sa Maynila kahapon bilang paghahanda sa Kapistahan ng Poong Hesus Nazareno sa Enero 9.

Mula Quirino Grandstand hanggang Ayala Bridge, Carlos Palanca Street at Quezon Boulevard, binaybay ng clearing team ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga rutang daraanan ng Traslacion. Kinumpiska ang mga nakahambalang sa kalsada, partikular ang mga gamit ng mga vendor na sagabal sa daloy ng prusisyon.

Katuwang ng MMDA ang Philippine Coast Guard (PCG), Manila LGU sa pamamagitan ng Department of Public Safety, Manila Traffic Bureau, at Department of Engineering.

Ilang sasakyan ang hinatak at inimpound habang hindi bababa sa 14 na motorsiklo ang natekitan dahil sa ilegal na pagparada at iba pang paglabag sa batas trapiko. Partikular na sinita ang mga sasakyang iniwang nakaparada sa Carlos Palanca Street.

Sa kabila ng paulit-ulit na paalala, dismayado ang MMDA sa patuloy na paglabag ng ilang motorista.

Layunin ng clearing operation na tiyaking malinis, ligtas at maayos ang mga kalsadang daraanan ng andas ng Poong Hesus Nazareno sa Traslacion na inaasahang tatagal ng mahigit 10 oras sa Enero 9.

Kahapon, personal na ininspeksyon ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso ang Quirino Grandstand kung saan pansamantalang inilagak ang imahe ng Poong Jesus Nazareno para sa pahalik bago ang Traslacion pabalik ng Quiapo Church.

Kasama ng alkalde ang ilang department heads ng lungsod upang tiyaking plantado at handa ang lahat ng paghahanda para sa inaasahang pagdagsa ng milyon-milyong deboto.

Bago nito, nagsagawa rin ng Emergency Operations Center (EOC) briefing ang iba’t ibang response clusters sa pamumuno ng Manila City DRRM. Nakipag-ugnayan din ang MCDRRMO sa mga volunteers para palakasin ang emergency response sa Enero 8 sa Quirino Grandstand at sa mismong araw ng Traslacion sa Enero 9.

Samantala, handa na rin ang Department of Health (DOH) para sa Traslacion 2026. Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, magde-deploy ang DOH ng mahigit 200 Health Emergency Response Teams mula sa iba’t ibang DOH hospitals sa buong ruta ng prusisyon.

Pinayuhan ang publiko na alamin ang pinakamalapit na medical station at magdala ng maintenance medicine, tubig, pagkain, at magsuot ng komportableng damit—lalo na ang mga matatanda at may karamdaman.

Nauna nang inanunsyo ng Quiapo Church na may mga kalsadang isasara kahit sa mga deboto upang bigyang-daan ang mabilis na pagresponde ng mga medical team kung kinakailangan. Ayon sa Manila LGU, mahigit walong milyong deboto ang inaasahang lalahok sa Traslacion 2026.

Magde-deploy din ang Philippine Coast Guard (PCG) ng 200 hanggang 300 tauhan upang umagapay sa AFP, PNP at pamahalaang lungsod ng Maynila sa seguridad at crowd management.

Ilalagay ang mga tauhan ng PCG sa mga estratehikong lugar tulad ng Quirino Grandstand, Jones Bridge, Ayala Bridge at paligid ng Quiapo Church. Kasama sa deployment ang medical responders, K9 units, search and rescue teams, EOD units, special operations groups, civil disturbance management teams at deployable response groups.

Ayon kay PCG spokesperson Capt. Noemie Cayabyab, may nakahandang karagdagang pwersa para sa force augmentation sakaling kailanganin.

“Close coordination with the AFP, PNP and Manila City LGU will be maintained to ensure seamless interagency operations,” ani Cayabyab.

Hinimok din ng PCG ang publiko na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan sa buong Traslacion 2026.

(JOCELYN DOMENDEN/JULIET PACOT)

52

Related posts

Leave a Comment