PABOR si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos na ibaba ang Alert Level 4 sa Kalakhang Maynila sa gitna ng COVID-19 pandemic.
“Nakikita talaga natin pababa eh, magmula sa two-week growth, nagsimula ang pilot, 113%. Ngayon -41% na,” ayon kay Abalos sa isang panayam.
“Personally, dapat ibaba na po ang alert level,” dagdag na pahayag nito.
Gayunman, sinabi ni Abalos na ipinauubaya na niya at ng mga alkalde sa Kalakhang Maynila sa Department of Health (DoH) ang pagdedesisyon sa bagay na ito.
“Of course we leave that to the experts. Yan po talaga ang posisyon ng mga alkalde,” aniya.
Nakatakda namang mapaso ang Alert Level 4 sa Kalakhang Maynila sa darating na Biyernes, Oktubre 15.
Ang mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 4 ay iyong mayroong mataas at/o tumataas na COVID-19 cases habang ang total beds at ICU beds ay nasa high utilization rate.
Kaugnay nito, pabor din ang OCTA Research Group na ibaba ang alert level sa Metro Manila.
Ayon kay Dr. Guido David ng OCTA, sa unang linggo pa lamang ng Oktubre ay maaari nang ibaba sa Alert Level 3 ang National Capital Region (NCR).
Kung magpapatuloy ang kasalukuyang downward trend ay posible pa umanong bumaba ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa hanggang 6,000 na lamang sa Nobyembre at mula 3,000 hanggang 4,000 kaso na lamang pagsapit ng Disyembre.
Idinagdag pa ni David na inaasahan din nilang patuloy na bababa ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa NCR na posibleng umabot na lamang sa wala pang 1,000 kada araw sa Nobyembre at mula 400 hanggang 600 kaso naman, pagsapit ng Disyembre. (CHRISTIAN DALE/RENE CRISOSTOMO)
160
