RAPIDO NI PATRICK TULFO
MAAARING sumobra na sa pagiging brusko at nawala na sa lugar si Gabriel Go, ang head ng MMDA Special Operations Group-Strike Force, sa kanyang komprontasyon sa isang police captain sa Quezon City.
Ilang buwan ko nang nasusubaybayan si Go sa YouTube, sa mga ginagawa nitong clearing operation at masasabi kong tamang-tama siya sa kanyang posisyon upang pangunahan ang kanyang grupo.
Sa pagpapatupad ng batas sa kalsada, kung saan mas marami ang matatapang kahit sila ang mali, nararapat lang na isang opisyal na ‘di papaduro ang italaga, kaya’t sakto sa posisyon si Go. Karamihan sa violators, alam naman nilang bawal, sila pa ang matapang at galit na galit.
Sa nangyari kay Go at sa opisyal ng PNP-QCPD, humingi ng pasensya ang kapitan dahil nagparada ito sa bangketa at sinabing babayaran na lang niya ang penalty pero ‘di kumalma si Go at kung ano-ano pa ang sinabi. Mali si Go. Ayon sa mga saksi, bago pa dumating si Go ay brusko na raw itong si kapitan at pinagagalitan ang mga enforcer na naunang lumapit sa mga motor na nasa bangketa. Huminahon lang daw itong si kapitan nang dumating si Go kaya’t ganun na lang ang tinuran ni Go.
Sa aking opinyon, parehong tagapagpatupad ng batas ang MMDA at PNP, maaaring may mali si Go, may mali rin ang kapitan na paulit-ulit na umanong nasabihan ang mga nagmamay-ari ng mga motor na ‘wag na pumarada sa bangketa.
Dapat ay ‘di na lang nila pinalaki ang issue dahil ang violator ay mismong “law enforcer”. Sabi tuloy ng netizens, dapat kahit pulis sila susunod sila sa batas, kasi tagapagpatupad sila ng batas. Tapos magagalit ‘pag nasita?
Sumawsaw na rin sa issue si Sen. JV Ejercito. Tinutuya nito ang inasal ni Go. Nandun na tayo. Pero hinaluan pa niya ng post na may harassment case daw itong si Go, bakit nakakapagtrabaho pa? Marami nga tayong politiko na may mga kasong graft, kinasuhan ng graft pero nasa posisyon pa, kasi ‘di naman napatunayan o ‘di pa napatutunayang guilty sila sa kaso.
Mahirap ‘pag ginagampanan mo ang trabaho mo, maraming magagalit. Kaya ‘di umaasenso ang Pilipinas dahil sa ganitong asal. Pilit kang ibabagsak ‘pag nakagawa ka ng isang pagkakamali. At ang masaklap pa rito, ang tumutuya sa ‘yo, mga kapwa mo tagapagpatupad ng batas.
