KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari
SA LOOB ng ilang araw nitong nakaraang buwan ay muling nagkaisa ang sambayanang Pilipino, na matagal nang nahahati dahil sa isyu ng pulitika sa bansa. Sama-samang ipinagbunyi ang kababayang si Miss Alexandra Eala sa ipinamalas niyang husay sa larong tennis sa katatapos na Miami Open sa Hard Rock Stadium sa Miami Gardens, Florida sa Estados Unidos.
Pinadapa niya sina Jelena Ostapenko, Madison Keys, at ang World No. 2 tennis player na babae na si Iga Swiatek bago siya tinalo ni World No. 4 Jessica Pegula sa semi-final. Si Alex ang kauna-unahang Filipino tennis player na nakapasok sa semi-final ng World Tennis Association 1000 tournament. Mula sa ranking niya na 140th sa WTA nang magsimula ang Miami Open, lumukso si Alex sa ika-75 sa listahan pagkatapos ng torneo. Isa itong pagpapatunay ng kanyang epikong laro.
Hindi man siya naging kampeon sa Miami Open, sumaludo sa Pinay ang malalaking pangalan sa larangan ng tennis sa buong mundo dahil sa ipinakita niyang determinasyon sa bawat laban.
Sa pangunguna ni PBBM, minsan pang nabuklod muli ang mamamayang Pilipino sa pagbati at pagbubunyi sa tagumpay at karangalang handog sa bansa ng isang 19-anyos na kabataan.
Maraming, maraming salamat, Miss Alexandra Eala. Gagabayan ka ng ating Panginoong Diyos sa mas marami mo pang pagtatagumpay. Mabuhay ka!
##########
Ngayon, balik na naman tayo sa reyalidad ng buhay ni Juan de la Cruz.
Nagsimula na ang kampanyahan ng mga kandidato sa lokal na posisyon. Marami na namang mapapanood na campaign rallies at mapakikinggang dakdak ng politiko. Isang paalala: ‘wag ninyong seryosohin ang pakikinig. Dahil muli na naman silang mambobola. Ritwal na ito tuwing halalan. Ang depekto naman sa atin – hindi na tayo natuto.
Pero may pag-asa pa itong mabago. Puwede pang wakasan ang ganitong panahon ng pangdedenggoy at panggagago sa atin ng mga politiko.
Itaas natin ang pamantayan sa mga kandidatong iboboto. Kalimutan na natin ang kinaugalian na kapag sikat ay iboboto. Na kapag nakatanggap ng pera, t-shirt, nakamayan, nakaselpi, kinawayan o kaya ay kinindatan ay ihahalal na.
Burlesan natin ang bawat kandidato. Halukayin natin ang kanyang bituka at kaluluwa. Balikan natin ang records ng kanyang nakalipas na panunungkulan kung dating opisyal at kung baguhan naman ay suriin natin ang kanyang karakter at pagkatao gayundin kung anong klaseng pamilya ang kanyang kinabibilangan pero huwag gawing basehan kung mahirap siya o mayaman.
Mayroon ba siyang mga nagawang makabuluhan para sa sambayanang Pilipino? At marami pang mga tanong ng matalinong pagsusuri.
Kung pagkatapos ng inyong masusing pagbusisi sa kanila ay walang pumasa sa inyong pamantayan, hindi kaya mas mabuting tumigil na lang kayo sa inyong mga bahay at maglinis ng inidoro sa halip na pumunta sa campaign rallies at makinig sa mga kandidato?
Binibigyan tayo ng pagkakataon tuwing halalan upang pumili ng mga mamumuno sa ating lokal na pamahalaan ngunit marami sa atin ang nananatiling nakakulong ang mentalidad sa pananaw na ang eleksyon ay isang sabong – na ang iboboto ay ‘yung inaakalang mananalo kesehodang paulit-ulit namang walang ginagawa ang politiko kung hindi ang magpayaman sa puwesto.
Matapik lang sa balikat ng kandidato sa panahon ng kampanyahan, mabigyan lang ng sigarilyo, alak at ilang daang piso, nakatawa nang iboboto ang kandidato sa araw ng eleksyon.
Pagkatapos naman ng halalan at nanalo na ang politiko, wala na siyang pakialam sa katuparan ng kanyang mga pangako at balik pokus na muli sa kung paano ba makababawi sa malaking halagang ginastos sa kampanyahan sa pamamagitan ng panderekwat sa gobyerno. At nagaganap ito sa iba’t ibang lokalidad sa ating bansa at maging sa kanyang nasyunal na antas. Wakasan na natin ito.
Gud lak Pilipinas! Pagpalain at gabayan nawa tayo ng Panginoong Diyos sa gagawin nating pagpapasya sa Mayo 12.
##########
Sa loob nang halos tatlong dekada ko na sa pamamahayag – 27 taon bilang correspondent ng Philippine Daily Inquirer sa lalawigan ng Quezon at iba pang probinsya sa Calabarzon – maraming istorya na akong isinulat tungkol sa kabulukan ng maraming politiko (bagama’t may ilan pa ring matino sa kanila) at kapalpakan ng kanilang pamamahala kapag sila ay nanalo sa eleksyon.
Umani na ako ng ilang demandang libelo na ibinasura naman ng korte, pagbabanta sa buhay hanggang sa ambusin ako noong 2007. May isang bala pa ng Cal. 45 ang nananatiling nakabaon sa katawan ko, isang tuldok lang ang layo sa aking spinal column. Pero patuloy ako sa aking pamamahayag dahil napamahal na rin sa akin ang propesyong ito maski na hindi naman ito ang aking pinag-aralan. Ni isang yunit sa kursong journalism o mass communication ay wala ako. Undergrad ako sa kursong AB Psychology. Pangalawa, ito lang ang alam kong trabaho na maligaya ako sa kabila ng totoong panganib sa araw-araw.
Ito lang ang punto ko – hindi lang dapat ang mga mamamahayag ang magsusuri, mambubusisi at magtatanong sa mga namumuno sa ating pamahalaan, lokal man o nasyunal. Nararapat lang na gawin din ito ng bawat Pilipino. May karapatan ang bawat mamamayan dahil ang taong-bayan ang nagpapasweldo sa sinomang tauhan ng gobyerno.
