MOBILE NUMBER FOREVER NA

(Ni BERNARD TAGUINOD)

Maaaring magamit na ng mga mobile phone subscribers ang kanilang mga mobile phone numbers kahit lumipat pa ang mga ito sa ibang telecommunication Companies (Telcos).

Ito ay matapos ratipikahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Bicameral Conference Committee Report ng panukalang “Mobile Number Portability Act”.

Nakatakdang i-transmit ng Kongreso ang nasabing report sa Palasyo ng Malacanang para malagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte bago maging ganap na batas.

Sa ilalim ng nasabing panukala, ang kasalukuyang hawak na mobile number ng mga subscribers ay maaaring gamitin sa ibang telcos kapag lumipat ang mga ito mula sa kanilang kasalukuyang network.

Malaking tulong umano ito sa mga subscribers upang hindi mawala ang kanilang mga kontak na karaniwang nangyayari kapag nagpalit ang mga ito ng network bukod sa maiiwasan na rin umano ang identity theft, cellphone scams at iba pang illegal activities sa social media.

Napapanahon umano ito lalo na’t magkakaroon na ng ikatlong player sa telecom industry sa katauhan ng Mindanao Islamic Telephone Company (Mislatel) at China Telecom.

Kaugnay nito, sinabi naman ni House minority leader na idudulog umano nito sa Korte Suprema ang pagpili ng Department of Information Communication and Technology (DICT) sa Chinese company bilang third players sa telecom industry.

“My objection still stand. I’m going to pursue my objection why Chinese? Remember kanila na ang kuryente, pati na telco kanila na rin. Bilhin na rin natin ang tubig,” ani Suarez.

Ang tinutukoy ni Suarez ay ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na pag-aari ng Chinese company ang 40% ng kumpanya kaya nangangamba ito sa national security ng bansa dahil mahahawakan na umano ng nasabing bansa ang komunikasyon sa Pilipinas.

Kailangang umanong magpaliwanag ang DICT kung bakit ang Mislatel at China Telecom ang kanilang napili at kung hindi umano ito kontento sa kanilang paliwanag ay magtutungo ito sa Supreme Court.

 

262

Related posts

Leave a Comment