NANINIWALA ang Commission on Audit (COA) na walang mali sa aksyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) kaugnay sa modernization program ng BFP upang makaagapay sa makabagong panahon.
Nabatid sa COA report, walang mali sa ginawang aksyon ng BFP sa paglalagay ng teknikal na requirements na kailangang makasabay ang Bureau of Fire sa makabagong pamamaraan at modernization program.
Ayon sa ulat ng COA nitong nakalipas na 2010, ang BFP ay naglunsad ng kanilang Modernization Program alinsunod sa Comprehensive Fire Code of 2008 ng pamahalaan.
Sinabi pa sa ulat, ang pangunahing adhikain ay upang mag-upgrade ang gobyerno para sa firefighting capability nito, na may sapat na personnel at may sapat na kaukulang equipment ng pamatay-sunog upang maprotektahan ang mga tao sa mapanganib na sunog.
Nabatid pa sa COA report, ang kabuuang pondo ng Modernization Program ay nagkakahalaga ng P13.17 bilyon mula sa taong 2011 hanggang 2017.
Nauna rito, noong 2019, inihain ni Senador Bong Go ang panukalang batas sa Senado na nag-aatas sa BFP na iimplementa ng modernization program ng Bureau of Fire Protection na kinabibilangan ng pagbili ng mga modernong fire equipment, pag-hire ng personnel at pagsasagawa ng specialized training programs.
Ayon pa sa COA report, walang mali sa technical requirement na inilagay para sa modernization program dahil nakaayon ito sa COA report at sa performance audit ng COA.
Samantala, base sa isinagawang imbestigasyon ng Kongreso hinggil sa modernization program ng BFP, walang nakitang mali ang Kongreso sa ginawa ng BFP dahil naaayon umano ito sa technical requirements na isinasaad ng COA.
Sinabi pa ng COA, ang pangunahing adhikain ng audit report ay upang matukoy ang agwat sa pagitan ng programs target at tagumpay ng BFP upang masuri ito.
Naniniwala rin ang Komisyon na dapat palakasin ng pamahalaan ang ginagawang kampanya nito hinggil sa pagsugpo sa mga sunog kasabay ng isinasagawang modernization program nito.
Ayon pa sa report, kinakailangan ding palakasin ang information awareness campaign para ma-educate ang mga tao sa pag-iingat sa sunog at kung ano ang mga nararapat na gawin para ito’y maiwasan.
Kaugnay nito, sinusuri ng COA ang program documents at accomplishment report sa isinagawang technical at visual inspections ng iba’t ibang fire protection services.
(PAOLO SANTOS)
