MAS mahigpit na tututukan ng Bureau of Customs ang Cross-Border Transfer of Local and Foreign Currencies sa layuning tuldukan ang mga tangkang pagpupuslit ng mga perang higit pa sa pinahihintulutan sa batas.
Sa isang webinar kaugnay ng “Importation and Exportation of Local and Foreign Currencies” na inorganisa ng Public Information and Assistance Division, tinalakay ng BOC, Anti-Money Laundering Council (AMLC) at ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga istratehiyang ipatutupad para palakasin ang kampanya kontra sa tangkang pagpupuslit ng mga local at foreign currencies sa bansa.
Anila, higit na kailangan ngayon ang epektibo at sapat na pagkalinga sa usapin ng “physical cross-border transportation of currencies and bearer negotiable instruments”.
Kabilang sa mga nagpalitan ng diskurso sa nasabing online conference sina AMLC Executive Director Atty. Mel Georgie Racela, BSP Acting Deputy Director on International Operations Atty.
Dennis Gaya at BOC Deputy Collector for Passenger Service Atty. Lourdes Mangaoang.
Dumalo din sa nasabing pulong sina BOC Assistant Commissioner Atty. Vincent Philip Maronilla, Deputy Commissioners Atty. Teddy Sandy Raval ng Enforcement Group at Raniel Ramiro mula
naman sa Intelligence Group.
Bahagi din ng virtual conference ang iba pang stakeholders na humingi ng paglilinaw mula sa mga kinatawan ng tatlong ahensya hinggil sa polisiya ng pamahalaan kaugnay sa pagpasok ng salaping banyaga sa bansa.
Nito lamang Hulyo ng nakaraang taon nang masabat ng BOC ang hindi bababa sa P33-milyong halaga ng foreign currencies na tinangkang ipasok sa bansa. Kabilang sa mga nakumpiska mga operatiba ng nasabing kawanihan ay currencies mula sa Malaysia, Singapore at Japan.
Swak din sa mahigpit na pagbabantay ng BOC ang mga dolyares mula naman sa Estados Unidos, partikular mula sa North Carolina, New Jersey, Tennessee, Colorado at California.
Karaniwang kalakaran sa pagpupuslit ng foreign currencies ang pagdedeklara nito bilang personal documents, liham, at mga babasahin tulad ng magasin at mga aklat.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng ni Customs Commissioner Rey Guerrero hinggil sa mga alituntunin sa pagdadala ng foreign currency papasok at palabas ng bansa.
Para maiwasan aniya ang aberya, mas mabuting makipag-ugnayan muna sa BSP kung higit sa P50,000 ang bitbitin palabas ng bansa.
Para naman sa foreign currencies, nakatadhana sa batas na anumang halagang higit sa $10,000 ay kailangang ideklara sa ilalim ng Customs Baggage Declaration Form and Foreign Currency Declaration Form.
154 