MATAPOS ulanin ng kaliwa’t kanang batikos mula sa iba’t ibang grupo ukol sa P200 monthly subsidy, inatasan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Finance Secretary Carlos “Sonny” Dominguez III na itaas ito sa P500.
Sa talumpati ng Pangulo, sinabi nito na nakatanggap siya ng feedback “from the ground” na ang P200 monthly cash aid ay sobrang maliit at hindi kakasya para sa pamilya na may tatlo hanggang limang miyembro.
“They are the productive Filipinos for tomorrow ‘pag hindi ngayon. So sabi ko kay Sonny, ‘It will be an uphill battle for the next generation kung gawain natin na P500,'” ayon sa Pangulo.
Bahala na aniya ang susunod na administrasyon kung saan huhugutin ang budget para sa fuel subsidy.
“So I hope that this would go a long way really to help,” dagdag na pahayag nito.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng Malakanyang na target ng pamahalaan na mamahagi ng monthly subsidy sa mga benepisyaryo sa buwang kasalukuyan.
Ayon kay Acting Presidential Spokesperson Martin Andanar, ang nasabing cash aid ay bukod pa sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) conditional cash grant na P3,450 kada buwan.
Ang 4Ps conditional cash grant ay kinabibilangan ng P750 health at nutrition grant, educational grants para sa maximum na tatlong anak kada isang pamilya (P700 para sa senior high school, P500 para sa junior high school, P300 para sa elementary), at P600 rice subsidy.
Ang monthly subsidy ay kapalit ng pananatili ng excise tax sa iba’t ibang fuel products. (CHRISTIAN DALE)
