CEBU CITY – Patay ang tatlo katao. kabilang ang dalawang menor de edad, habang isa pa ang malubhang nasugatan nang salpukin ng kasunod na van ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa lungsod na ito, ayon sa ulat ng pulisya nitong Lunes.
Kinilala ang mga nasawi na sina Alona Salon, 47-anyos, ang ina ng driver na si Jason; Erika Salon, 16, at ang 12-anyos na si Jay Salon.
Sa lakas ng impact, agad binawian ng buhay ang 12-anyos na biktima habang pumailalim sa van ang 16-anyos at ang 47-anyos na biktima, tumilapon naman ang driver na si Jason na kasalukuyang inoobserbahan pa rin sa pagamutan.
Nabatid na tinatahak ng mga biktima ang national road sakop ng Barangay Busay ng nasabing siyudad, nang bigla silang suruin ng humahagibis na passenger van na may sakay na 11 pasahero.
Ayon kay P/SSergeant Arnado Jacinto ng Mabolo Police Station, nawalan ng preno ang Isuzu Elf van na minamaneho ng isang Welmer Imbudo, 40-anyos, at nasalpok ang sinusundang motorsiklo.
Bukod sa motorsiklo, nabangga rin ng van ang isa pang sasakyan.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pangyayari habang nasa kustodiya na ng Mabolo Police Station ang driver ng van na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, serious physical injuries and damage to properties. (JESSE KABEL)
