PATAY ang isang binata habang kritikal ang kasama nito nang bumangga sa kongkretong poste ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Caloocan City.
Kinilala ang namatay na biktimang si Rogelio Hermogenes Purugganan, 28, dental technician, ng #68-C, Karuhatan Road, habang nakaratay naman sa Caloocan City Medical Center dahil sa pinsala sa ulo at katawan si Alemer Ponce, 27, seaman, ng #6106 Santos Compound, Gen. T. De Leon, kapwa ng Valenzuela City.
Ayon sa ulat, alas-10:45 ng gabi, minamaneho ni Ponce ang isang motorsiklong ‘for registration’ habang angkas si Hermogenes, at tinatahak ang kahabaan ng Tullahan Road, galing sa Gen. T. De Leon patungong Libis Baesa.
Pagdating sa kanto ng Mercury St., Brgy. 162, Caloocan City, bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa kongkretong poste sa gilid ng kalsada.
Bunsod nito, tumilapon ang mga biktima at tumama sa isa pang poste bago bumagsak sa kalsada.
Idineklarang patay na si Hermogenes ng attending medical officer na si Dr. Jay E. Carcellar bandang alas-10:50 ng gabi habang agaw-buhay naman si Ponce. (ALAIN AJERO)
156 