MOTORSIKLO SUMALPOK SA TRUCK, 3 PATAY

TATLONG binatang magkaka-angkas sa motorsiklo ang namatay matapos na ang sinasakyan nilang motorsiklo ay sumalpok sa likuran ng nakaparadang truck sa Maharlika highway, Barangay Real, Calamba City noong Miyerkoles ng madaling araw.

Ayon sa ulat ng Calamba City Police, nangyari ang insidente bandang ala-1:00 ng madaling araw.

Napag-alaman, minamaneho ng isang 27-anyos na si Jayson Trenia, cellphone technician, ang kanyang motorsiklo habang angkas ang mga katrabahong sina Xandrex Asor, 26, at Ruben Radillos Gelaga, 27, nang sumalpok ito sa hulihan ng nakaparadang dropside truck sa outer lane ng highway.

Napag-alaman, habang patungo ang motorsiklo sa Barangay Turbina sa direksyon ng Crossing Calamba ay dumako ito sa kanang bahagi ng highway para mag-overtake sa isang sasakyan.

Sa bilis ng takbo, hindi ito nakailag sa nakahintong truck at pumailalim dito.

Sa lakas ng impact, pawang grabeng napinsala ang katawan ng mga biktima na isinugod ng nagrespondeng mga tauhan ng CDRRMO sa ospital ngunit magkakasunod ding binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Ikinustodiya naman ng mga pulis ang driver ng truck at iniimbestigahan kung may pananagutan ito sa insidente. (NILOU DEL CARMEN)

6

Related posts

Leave a Comment