KAPWA humirit ng Game Three ang top seed Davao Occidental Tigers at Makati Super Crunch matapos umiskor ng magkahiwalay na panalo kamakalawa sa 2020 Chooks-to-Go MPBL Lakan Season Division Finals.
Hiniya ng Tigers ang host at third-ranked Basilan Steel, 81-76, sa Lamitan City Gym sa Basilan, habang ang Super Crunch ay nagtala ng 91-88 win laban sa San Juan Knights sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Ang Game Three ay nakatakda sa Sabado.
Tabla sa 74-74 matapos ang basket ni Allyn Bulanadi sa huling 1:33 sa laro, humirit si Billy Ray Robles ng tres para ibigay sa Davao ang 77-74 lead, bago muling nakaiskor si Bulanadi at idikit ang iskor, 77-76.
Sa nalalabing 56.2 seconds, isang jumper ni Bonbon Custodio ang naglagay sa Tigers sa 79-76 abante. Iniskor ni Custodio ang kanyang walong puntos sa payoff period.
Humirit si Bulanadi ng panabla, pero mintis ang kanyang tres at sinelyuhan ni Mark Yee ang final score nang mailusot ang charity shots sa huling 8.0 ticks.
Bukod sa eight points, si Custodio ay may five rebounds, three assists at two steals para sa Davao Occidental. Si Emman Calo ang high-scorer para sa Davao Occ. sa kanyang 17 points, eight rebounds, three dimes at three steals, habang off the bench ay nag-ambag si Richard Albo ng 14 points.
May 10 points, three rebounds at two assists naman si Kenneth Mocon. Si Yee ay nagkaloob ng seven points at four rebounds, sa kanyang patuloy na paglalaro kahit may iniinang knee injury.
May 24 points, six rebounds at four assists naman si Jhaps Bautista para sa Basilan. Nagdagdag naman si Jessie Collado ng 21 points at eight boards. Habang si Bulanadi ay nakontrol sa seven
points buhat sa 3-of-12 shooting at mintis din sa kanyang limang 3-point shot attempts.
Mula sa 10-point deficit, rumesbak ang Knights sa likod ng puwersa nina Jhonard Clarito, Art Aquino, Orlan Wamar at CJ Isit para sa 87-89 count, 20 seconds na lang.
Pero, ikinahon ni Joseph Sedurifa ang dalawang free throws para dagdagan ng dalawa ang lamang ng Makati at tuluyang selyuhan ang panalo. (VT ROMANO)
196 