MRT-3 NAGHIGPIT; 2 HULI SA NAKAW NA KABLE

(NI KEVIN COLLANTES)

LALO pang hihigpitan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang ipinatutupad nilang seguridad sa kanilang mga pasilidad, kasunod na rin nang pagkakaaresto ng dalawang lalaki na naaktuhang nagnanakaw ng kanilang mga kable sa Barangay Highway Hills, Mandaluyong City, nitong Huwebes.

Nauna rito, dakong 1:37 nang madaling araw ay namataan ng mga security personnel ng MRT-3 ang mga suspek na sina Allan Garcia, 38, ng Mandaluyong City at Jose Llaneta, 43, ng Caloocan City, na may bitbit na sako at mabilis na tumatakas mula sa pillar ng Shaw Boulevard Station.

Mabilis na hinabol at inaresto ng mga guwardiya ang mga suspek at nang kapkapan ay nakumpiska mula sa kanila ang kable ng kuryente na tinatayang may habang 10-metro, at mga paraphernalia na ginamit sa pagnanakaw gaya ng plais, hacksaw, wood saw, cutter at iba’t ibang uri ng wrenches.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ang mga naturang kable, na nagsisilbing proteksiyon mula sa electrical shocks, ay ninakaw ng mga suspek sa pagitan ng Shaw Boulevard at Boni Station.

“Grounding cable serves as a form of protection from electrical shocks. Establishing a ground in the electrical circuit minimizes the risk of these accidents,” paliwanag ng DOTr.

Nilinaw naman ni  MRT-3 Director for Operations Michael Capati na walang impact ang insidente sa operasyon ng kanilang signalling system at Overhead Catenary System (OCS) power.

Gayunman, desidido pa rin aniya sila na sampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek, upang magsilbi itong babala sa mga taong magtatangka pang magnakaw ng anumang kagamitan ng rail line.

Upang hindi na rin aniya maulit pa ang pangyayari, siniguro rin ni Capati na lalo pa nilang hihigpitan ang ipatutupad na security measures sa linya ng tren.

Nais anila nilang matiyak na tuluyan nang maiiwasan ang trespassing at pagnanakaw ng kanilang mga conductors.

Magpapakalat rin aniya sila ng karagdagang security personnel upang magpatrulya sa mainline, partikular na yaong nasa street level areas, magsasagawa ng regular na inspeksiyon at pagtsi-check ng mast-to-mast grounding cable sa pagitan ng mga istasyon.

Ang mga suspek ay kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Mandaluyong City Police at nakatakdang sampahan ng kasong theft sa piskalya.

 

606

Related posts

Leave a Comment