PAKITANG-TAO LANG ANG ILANG METRO MAYOR

BAGWIS

Sa kanyang ginawang State of the Nation Address ay nagpalabas ng ultimatum si Pangulong Duterte sa mga pakaang-kaang na mga pinuno ng mga lungsod sa Metro Manila na kanilang lalansagin ang illegal vendors at mga nakaparadang mga sasakyan at iba pang uri ng mga harang sa mga kalsada.

Bago pa man ay naging laman ng balita itong si Manila Mayor Isko Moreno dahil sa kanyang matagumpay na clearing operation laban sa illegal vendors sa kanyang nasasakupan. Nitong katapusan naman ay naglabas ng kautusan ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga alkalde ng Metro Manila na kanilang lilinisin ang public roads sa loob ng 60 araw dahil kung hindi ay maaari silang kasuhan dahil sa kapabayaan.

Maliban kay Mayor Isko ay tila wala naman tayong nakikitang aksyon mula sa ibang mga alkalde. Ang ginawang clearing operation sa Baclaran, halimbawa, ay isinagawa naman ng Metro Manila Development Authority at hindi ng pamahalaang bayan ng Parañaque at ng Pasay.

Dito lang sa amin sa Pasay ay halatang pakitang-tao lamang ang ginagawang clearing operation nitong si Mayor Emi Calixto. Paano ba naman masasampolan ang mga pasaway eh may announcement na ang barangay na may gagawing clearing ng mga ilegal na nakaparadang sasakyan bago pa man dumating ang mga alipores ni mayor. At pag nakaalis na ang mga ito ay balik sa dati ang mga pasaway.

Wala ring pagbabago sa kanto ng Taft at Gil Puyat A­venue. Napakalupit pa rin ang traffic sa lugar na ito dahil sa mga nakabalandrang mga bus ng DLTB, Jac Liner at iba pang mga bus company na naglagay ng terminal sa kahabaan ng Taft Avenue. Ganyan din ang sitwasyon sa Libertad na napakabagal din ang daloy ng trapiko dahil sa mga pasaway na jeepney at tricycle driver. Nakahambalang pa rin ang iba’t ibang uri ng ambulant vendors.

Samakatuwid ay halatang niloloko lang nitong ilang alkalde ang DILG masabi lang na sumusunod sila sa direktiba ng pangulo. Ang malaking tanong ngayon ay may sapat kayang political will itong si DILG Secretary Eduardo Año na totohanin ang kanyang banta na kanyang didisiplinahin itong mga tutulug-tulog at pakaang-kaang na alkalde ng Metro Manila? ‘Yan ang ating aabangan! (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

182

Related posts

Leave a Comment