Mula lolo hanggang apo bawal mangontrata FAMILY BUSINESS NG GOV’T OFFICIALS IBA-BAN SA GOVERNMENT PROJECTS

BAWAL na ang kontrata sa gobyerno para sa mga contractor na may kaanak na politiko at opisyal ng pamahalaan kapag naisabatas ang panukalang inihain ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, anak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa ilalim ng House Bill 3661, pinalalawak ang pagbabawal sa mga contractor na may kaugnayan hanggang fourth degree of consanguinity o affinity—hindi lang magulang, anak, kapatid, tito, tita at pamangkin, kundi pati pinsan, apo sa pamangkin, at lolo’t lola sa tuhod ng mga opisyal ng gobyerno.

Hindi lamang sa government projects sila bawal, kundi pati sa joint ventures, public-private partnerships, at iba pang kontrata sa gobyerno.

Ipinaliwanag ni Marcos na layon ng panukala na putulin ang impluwensya ng mga opisyal sa bidding at protektahan ang pondo ng bayan.

“Sa kabila ng mga bantay na nakasaad sa batas, marami pa ring iregularidad at katiwalian ang nangyayari na sumisira sa transparency, accountability, at integridad ng government procurement,” saad ni Marcos.

Ginawa ni Marcos ang panukala sa gitna ng mga anomalya sa flood control projects na kinasasangkutan umano ng mga politikong may sariling construction companies.

(BERNARD TAGUINOD)

160

Related posts

Leave a Comment