NILINAW ng Malakanyang na hindi ang mga nakatakdang protesta laban sa korupsyon sa Setyembre 21 ang dahilan kung bakit hindi makadadalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 80th session ng UN General Assembly sa New York mula Setyembre 23–27.
Ayon kay PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, maraming lokal na isyu ang dapat tutukan ng Pangulo, kabilang na ang pagpapababa ng presyo ng bilihin at pagtugon sa pangangailangan ng taumbayan. “Bilang presidente, maraming trabaho ang Pangulo,” aniya.
Dagdag pa ni Castro, uunahin din ng Pangulo ang bagong tatag na Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Tiniyak din niya na hindi nangangamba si Marcos sa mga protesta. “Alam po niya na ang magpoprotesta ay kakampi rin po niya sa adhikain laban sa korapsyon. Kung hindi nga siya presidente, malamang ay makakasama rin siya,” pahayag ni Castro.
Nilinaw pa nito na hindi literal na tao ang kakampi kundi ang mismong layunin ng mga nagra-rally. “Ang adhikain laban sa korapsyon ang pagkakakampi,” diin ni Castro.
Para sa Palasyo, natural ang mga kilos-protesta at hindi ito tinitingnan ng Pangulo bilang banta. “Normal iyan sa bawat bansa kung may mga sentimyento ang kababayan. Hindi po nangangamba ang Pangulo dahil siya mismo ang nagpasimula ng imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects,” dagdag niya.
(CHRISTIAN DALE)
179 