SINAGUPA ng Philippine Army at ng iba pang kasapi ng retrieval team ang masamang panahon at peligrosong terrain para maibaba ang anim na bangkay na sakay ng bumagsak na Cessna 206, ayon sa Isabela Incident Management Team (IMT).
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, nahirapang marating ng retrieval team ang kanilang extraction point kung saan sila papalitan ng nag-aabang na second team na humahalili sa pagod na pagod nang grupo.
Sa pinakahuling ulat, bandang alas-12:54 ng madaling araw kahapon nadala ng retrieval team ang labi ng piloto at mga pasahero sa Divilacan proper.
Hanggang kahapon ay inaantabayan ng Philippine Air Force na gumanda ang panahon para makapagpadala sila ng chopper na maghahatid naman sa mga bangkay sa Cauayan City.
Una nang inihayag ni IMT head Atty. Constante Foronda Jr. na umaasa siyang maibaba ngayong Lunes ang mga bangkay kung makukuha ng Philippine Air Force chopper para madala sa Cauayan City mula sa bulubunduking bahagi ng Divilacan.
Target ng IMT na madala ang mga bangkay sa Divilacan town proper kahapon, araw ng Linggo. “However, the weather forecast is not good for choppers after 12 p.m.,” ani IMT head Watu Foronda Jr. na umaasang madadala na ang mga biktima sa Cauayan City.
Ito ay limang araw matapos na matagpuan ang crash site na halos dalawang buwan nang hinahanap.
Aminado ang Philippine Army na nahihirapan sila sa mano-manong pagbababa ng mga labi. “Difficult terrain and the area’s thick jungle are contributing to the difficulty of retrieving the bodies that take days.”
Magugunitang hindi na nakarating ng Maconacon airport ang nasabing eroplano mula nang mag-take off ito mula Cauayan airport noong Enero 24, lulan ang apat kabilang ang isang menor de edad na pasahero na dadalo sana sa lamay ng isang namayapang kamag-anak. (JESSE KABEL RUIZ)
