INAKUSAHAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Bayan Muna Representative Carlos Zarate nang paggamit ng pera na kinolekta ng New People’s Army para bayaran ang pag-aaral ng kanyang anak sa Europa.
Sa public address ni Pangulong Duterte, Lunes ng gabi ay sinabi nito na duda siya kung paano napag-aral ni Zarate ang kanyang anak sa ibang bansa.
“Sinasabi mo na si Sandro, anak mo, ginagastusan ng lola. You know, baka sabi mo talagang maloloko mo ang Pilipino lalo na kami dito. Ang lola tinignan namin, matanda na, wala namang income,” ayon kay Pangulong Duterte.
Sinabi ng Pangulo na may mga hawak siyang dokumento na may kinalaman kay Zarate kabilang na ang birth certificate at income history nito.
Ayon sa Pangulo, ang anak ni Zarate ay nag-aaral sa The John Paul II Catholic University of Lublin sa Poland.
Base aniya sa kanilang record, madalas ang pagbyahe ni Zarate sa Europa.
Kung ang sweldo mo, Zarate, ‘yan ang ginagastos mo para sa anak mo, pinapasa mo don sa nanay mo na matanda na, eh you’re pulling everybody’s leg. Wag mo kaming bolahin,” ayon sa Punong Ehekutibo.
“Baka kaya siguro ang ginagastos mo ‘yong perang kinokolekta ng mga NPA dito. Hindi nila alam na ang kinokolekta nila pumupunta ‘yan doon sa mga lider, malalaki ang kita tapos sila hirap.
‘Yan ang problema diyan sa mga NPA, nagpapaloko kasi kayo,” dagdag na pahayag nito.
You’re a hypocrite… You’re a chauvinist pig,” diing pahayag ng pangulo sa mambabatas.
Binanggit din ng pangulo na nais niyang makaharap si Zarate at makausap ito nang lalaki sa lalaki.
Kaugnay nito, idinepensa ni Zarate ang sarili mula sa mga akusasyon ni Duterte.
“In September 2017, my son, Xandro, an only child, went to Poland and took up philosophy at Pope John Paul II University. He came home in July 2019 to complete his bachelor’s degree in a school here,” ani Zarate.
Ayon sa mambabatas, sinagot ng kanilang mga kaanak na nakatira sa ibang bansa ang board at iba pang education expenses ng kanyang anak nang mag-aral ito sa Poland sa loob ng dalawang taon.
Ginawa ni Zarate ang pahayag matapos kuwestiyunin ni Duterte ang kakayahan niya na ipadala sa ibang bansa ang anak upang doon mag-aral dahil wala umano itong maayos na kita.
“His mother, a lawyer, and I also supported him within our means of income. The expenses for his studies and upkeep came from honest and legitimate sources,” ayon pa kay Zarate. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
