Muling pag-upo ni Yedda Romualdez MOCKERY NG ELECTORAL PROCESS

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

TILA babala ang pahayag ni election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal na magkakaroon ng “mockery” sa electoral process ng bansa kung hindi kukuwestyunin sa Korte Suprema o sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) ang naging desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na payagan si Yedda Romualdez na umupo bilang third nominee ng Tingog Party-list sa papasok na 20th Congress gayung natapos na nito ang kanyang 3 consecutive terms bilang kongresista.

Si Yedda, asawa ni House Speaker Martin Romualdez ay unang naging Leyte District Representative noong 2016 hanggang 2019 at Tingog Representative mula 2019 hanggang 2022, at 2022 hanggang 2025. Natapos nito ang kanyang 3 consecutive terms.

Pinayagan ng Comelec na maupo muli si Yedda sa katwirang 2 beses pa lamang itong naging party-list representative at hindi kasama sa bilang ang pagiging district representative nito para sabihin na nagkaroon na ito ng “3 consecutive terms”.

Pero kinontra ito ni Macalintal, aniya, malinaw ang intensyon sa Article VI, Section 7 ng 1987 Constitution na ang bawat miyembro ng House of Representatives ay mayroon lamang “three consecutive terms”, hindi isyu kung bilang District Representative o Party-list member basta naging miyembro.

Sinabi ni Macalintal na dapat bigyang linaw ang naging hakbang ni Comelec Chairman George Garcia sa isyu ng pag-upo muli ni Yedda dahil magiging “bad precedent” aniya ito, dahil ang intensyon ng batas ay limitahan ang termino, subalit sa ginawa ng Comelec ay magkaroon na ng “forever” sa pwesto.

“Ang mangyayari ay maglipat-lipat na lang, 3 termino na District Representative at hahanap ng party-list na pwede ulit ang 3 terms,” paliwanag ni Macalintal sa isang panayam sa radyo.

Pinuna rin nito ang kawalang aksyon ng Comelec na hindi nagsagawa ng anomang imbestigasyon sa pagbibitiw ng 3 nominees ng Tingog Party-list.

Sa July 16 resolution ng Comelec ay pinayagan nito ang pagbibitiw ng 3rd, 4th at 5th nominees ng Tingog party-list na sina Marie Josephine Diana Calatrava, Alexis Yu at Paul Muncada.

Sina Yu at Muncada ay nagbitiw dahil nabigyan ng bagong internal positions sa Tingog habang si Calatrava ay dahil sa “personal reasons”.

Si Calatrava ay kapatid ni Yedda at asawa nito si Terence Calatrava, na ang resignation bilang Presidential Assistant for the Visayas(OPAV) ay tinanggap kamakailan ni Pangulong Bongbong Marcos.

Ang pagbibitiw ng 3 ang nagbigay daan para iproklama ng Comelec si Yedda na siyang 6th nominee ng Tingog.

Ang Tingog ay nakakuha ng 3 Congressional seat sa nakalipas na May 2025 election. Uupo bilang kanilang kinatawan sa Kamara sina Andrew Julian Romualdez, panganay na anak ng mag-asawang Romualdez at si Rep. Jude Acidre.

Sinabi ni Macalintal na may pagkukulang ang Comelec nang hindi nito malalimang inimbestigahan ang “mass resignation” ng 3 nominees ng party-list.

“Tinanggap na lang ‘yung resignation nang walang any investigation, dapat inalam ano yung reason sa pagbibitiw, kung mayroong political pressure,” ani Macalintal.

Ipinaliwanag niya na dati ay 5 lamang ang nominees ng party-list subalit ginawa itong 10 ng Comelec sa nakaraang eleksyon para maiwasan ang pagre-resign o pagkakaroon ng hindi kwalipikadong nominees.

Aniya, sa nangyaring pagre-resign ng mga nominado ng Tingog Party-list ay ginawa dapat ng Comelec ang nararapat sa kanilang tungkulin at ito ay nagkaroon ng pag-iimbestiga.

Nauna nang sinabi ng political observer na si Prof. Antonio Santos na ginamit ng kampo ng mga Romualdez ang Republic Act No. 7941 para palusutin ang “automatic succession” sa party-list, pero nilalabag umano nito ang saligang batas na nagsasabing tatlong sunod na termino lang ang maaaring itagal ng isang kinatawan.

33

Related posts

Leave a Comment